Advertisers
NASAWI ang dating alkalde na nasa narcolist ni Pangulong Rody Duterte, isang konsehal at dalawa pa nang tambangan at ratratin ng bala ang kanilang sasakyan sa may bahagi ng Barangay Ignacio Jurado, Lasam, Caga-yan nitong Lunes ng umaga.
Kinilala ang mga biktima na sina dating Lasam Mayor ngayo’y Sangguniang Bayan (SB) member Marjorie “Jaling” Salazar; SB Eduardo Asuten, 67; driver ni Salazar na si John Rey Apil, 24, may-asawa; at sekretarya nito na si Aiza Manuel, 31, may asawa, pawang residente ng Brgy. Callao Sur, Lasam.
Sa ulat, sakay ang mga biktima ng puting Toyota Hiace Van (YN 1266) nang pagdating sa bahagi ng Brgy. Ignacio Jurado ay hinarang ang mga ito ng dalawang kotseng kulay asul na Hyundai Accent at puting Toyota Wigo na parehong walang plaka at pinaulanan ng mga bala. Pagkatapos ay mabilis na tumakas ang mga sasakyan ng salarin patungong timog na bahagi sa Brgy. Centro ng naturang bayan.
Kaagad na rumesponde ang pulisya ng Lasam at naisugod sa ospital ang mga biktima subali’t binawian din ng buhay.
Matandaan na kabilang si Salazar sa drug list ni Pangulong Duterte na inakusahan na sangkot sa illegal drugs sa lalawigan ng Cagayan noong nanunungkulan pa itong ma-yor.
Politika at droga ang tini-tingnang anggulo sa pamamaslang.
Nitong nakaraang taon ay pinatay ang municipal administrator na kalaban ni Salazar sa politika.
Noong nakaraang halalan 2019, kungsaan tapos na ang termino ni Salazar, ang kanyang maybahay ang tumakbong mayor ngunit natalo.
Kasalukuyang nagsasagawa ng hot pursuit at dragnet operations ang pulisya laban sa mga salarin. (Rey Velasco/ Mark Obleada)