Advertisers
SI University of the Philippines-Philippine General Hospital (UP-PGH) director Dr. Gerardo ‘Gap’ Legaspi ang naging ‘first official recipient’ ng bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Pilipinas.
Tinanggap ni Legaspi ang shot ng CoronaVac, na ginawa ng Chinese firm na Sinovac Biotech, sa isang symbolic vaccination ceremony na ginanap sa UP-PGH grounds kahapon ng umaga, at dinaluhan rin ng mga matataas na opisyal ng pamahalaan.
Si Nurse Chareluck Santos naman ang nagturok ng bakuna kay Legaspi.
Bukod sa PGH, nagsagawa rin ng kahalintulad na symbolic vaccinations sa iba’t ibang pagamutan ang pamahalaan upang palakasin ang tiwala ng mga mamamayan sa vaccination program laban sa COVID-19.
Kabilang rin sa mga opisyal ng pamahalaan na nakatanggap ng Sinovac shot laban sa COVID-19 ay sina Food and Drug Administration (FDA) chief Eric Domingo at testing czar Secretary Vince Dizon.
Si Domingo ay binakunahan din sa PGH, kasunod ni Legaspi, habang si Dizon ay nakatanggap ng bakuna sa Tala Hospital o Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital and Sanitarium sa Caloocan City.
Sa ilalim ng vaccination priority list ng pamahalaan, ang mga healthcare workers ang unang babakunahan, gayundin ang mga senior citizen, mga taong may comorbidities at mga uniformed personnel.
Matatandaang Linggo ng hapon nang dumating sa bansa ang may 600,000 Sinovac doses na donasyon ng Chinese government sa bansa habang hindi naman natuloy ang nakatakda sanang pagdating sa bansa nitong Lunes ng AstraZeneca vaccine.
Bukod sa PGH at Tala Hospital, ilan pa sa priority hospitals para sa vaccination ay ang Lung Center of the Philippines, Veterans Memorial Medical Center, PNP General Hospital, Pasig City General Hospital, at V. Luna Medical Center. (Jonah Mallari/Andi Garcia/Jocelyn Domenden)