Advertisers
NADAKIP ng Philippine National Police – Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) ang isang dating pulis na wanted sa kasong murder sa Abu Dhabi.
Kinilala ang naaresto na si PO3 Ruben Baliong, dating nakatalaga sa Mandaluyong Police Station 3 at sangkot sa illegal drug at contract killer.
Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni PNP Chief, General Debold Sinas, naaresto si Baliong ng mga Abu Dhabi Police noong Pebrero 3, 2021 at dumating ito sa bansa nitong Lunes, Marso 8.
Sa report, inaresto si Baliong sa bisa ng warrant of arrest sa kasong Murder at Physical Injury na ipinalabas ng RTC Parañaque City at Warrant of Arrest sa kasong Murder na ipinalabas ng RTC Caloocan City sa pakikipagtulungan sa INTERPOL National Central Bureau.
Sinabi ni Sinas na nakatanggap ng impormasyon ang PNP-IMEG na nakapagtrabaho sa abroad si Baliong kaya nakipag-ugnayan sila sa Bureau of Immigration (BI) at Overseas Worker Welfare Administration (OWWA).
Napag-alaman na nakaalis si Baliong ng bansa January 4, 2019 at nagtrabaho bilang security officer sa Star Security Services na nakabase sa Abu Dhabi.
Nakipag-coordinate ang PNP-IMEG sa Philippine Center on Transnational Crime, INTERPOL National Central Bureau sa pag-iisyu ng ‘Red Notice’ para sa pagkakadakip kay Baliong.
Itinurn-over si Baliong sa mga operatiba ng PNP-IMEG sa Abu Dhabi International Airport noong March 6, 2021.
(Mark Obleada)