Advertisers

Advertisers

Presyo ng baboy pumalo na sa P400 kada kilo

0 199

Advertisers

Pumalo na sa P400 kada kilo ang presyo ng baboy sa ilang pamilihan sa Metro Manila, 3 araw bago mapaso ang umiiral na price ceiling.
Sa ulat, sa bahagi ng Tandang Sora Market sa Quezon City, naglalaro sa P400 hanggang P420 ang kada kilo ng liempo habang P370 kada kilo naman ang presyo ng kasim at pigue.
Sa Kamuning Market naman, P390 ang kada kilo ng liempo at P370 naman ang kada kilo ng kasim at pigue.
Ang price cap, na inaasahang matatapos sa Abril 8, sa kasim at pigue ay P270/kilo habang sa liempo naman ay P300/kilo. Nasa P160/kilo naman ang price ceiling ng manok.
Ayon sa mga nagtitinda, sa susunod na linggo, magiging P400 ang kada kilo ng kasim at pigue habang P420 naman sa liempo.
Idinadaing nila na P320 na ang sabit-ulo dahil nagmahal na naman ang farmgate price.
May ilang trader ang nahirapang makahanap ng ibibiyaheng baboy nitong Lunes dahil nag-umpisa na ang “pig holiday” o hindi pagbebenta ng mga magbababoy.
Ikinasa ang “pig holiday” dahil sa posibleng pagdagdag sa minimum access volume sa imported na karne ng 404,000 metric tons na katumbas ng 8 milyong baboy.
Ayon sa mga magbababoy, hindi sila titigil hangga’t hindi pinapansin ang panawagan nila.
Sinabi naman ni Pork Producers Federation of the Philippines Vice President Nicanor Briones, na talagang pinabayaan na ni Agriculture Secretary Dar ang mga magbababoy sa bansa.
“May African swine fever, may sobra-sobrang importation, may smuggling, may ‘tongpats’ na nangyayari sa Department of Agriculture (DA) at diyan sa Customs,” ani Briones.
Patuloy na binabaliwala ng DA ang “pig holiday” sa halip nakiusap pa ang mga ito sa mga tindero na ibaba ang presyo ng baboy.
At balak pa ng DA ng magrekomendang muli kay Pangulo Rodrigo Duterte na palawigin ang price ceiling at idadamay na ang ibang probinsiya o kaya magpatupad ng suggested retail price bago mag-Abril 8.