Advertisers
SINABI ng OCTA Research Group na maaari lamang paluwagin ang quarantine status sa Metro Manila at mga kalapit nitong lalawigan kung ang naitatalang daily cases ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR) ay bumaba na ng hanggang 2,000 kada araw.
Ang pahayag ay ginawa nina Professor Ranjit Rye at Dr. Guido David ng OCTA bago ang inaasahang pag-aanunsiyo na ni Pangulong Rodrigo Duterte ng susunod na COVID-19 quarantine classification sa NCR Plus areas.
Ayon kay Rye, base sa data, ang threshold ay average na 2,000 COVID-19 cases araw-araw lamang sa NCR. Anumang bilang na lampas dito ay magreresulta parin sa pagka-overwhelm ng ating hospital system, aniya.
Giit pa niya, sa ngayon ay hindi pa maaaring magpatupad ng general community quarantine (GCQ) ang pamahalaan dahil maaaring magresulta ito sa pag-reverse ng trend o muling pagdami ng naitatalang COVID-19 cases.
“Hindi pa puwede mag-transition sa GCQ as we speak kasi the trend can be reversed. Puno pa ang mga ospital,” paliwanag niya sa ‘Laging Handa’ briefing.
Ipinaliwanag rin ni Rye na kailangan ng matagal na panahon upang mapababa ang bilang ng mga kaso ng sakit kaya’t nais nilang magkaroon pa ng panibagong isang linggong ekstensiyon ng modified enhanced community quarantine (MECQ).
Sinabi naman ni Guido na sa ngayon ang average daily number ng COVID-19 cases sa NCR ay nasa 3,500. Ito ay higit na mababa kumpara sa dating 5,500 bago magpatupad ng ECQ sa NCR Plus areas.
“Our daily number of new COVID-19 cases is at 9,000; 8,000 nationwide…mataas parin, although there’s big improvement in NCR. We hope to see less than 3,000 new COVID-19 cases in two weeks, down to 2,000 in four weeks,” sabi ni Guido. (Andi Garcia/Jonah Mallari)