Advertisers
MAITUTURING na bilang low risk sa COVID-19 ang National Capital Region (NCR) bunsod nang patuloy na pagbaba ng mga kaso ng impeksiyon na naitatala dito.
Sinabi ni Department of Health (DOH) Epidemiology Bureau director Dr. Alethea De Guzman na ang Metro Manila ay nakikitaan na ng ‘slow decline’ ng mga kaso ng sakit matapos ang plateau nito.
Nabatid na nakapagtatala na ito ng average na 685 new cases ng sakit araw-araw mula Hunyo 16 hanggang 22, na mas mababa sa dating average na 825 daily new cases mula Hunyo 9 hanggang 15.
Ayon kay De Guzman, ang goal nila sa ngayon ay lalo pang mapababa ang mga kaso ng sakit upang maabot ang pre-enhanced community quarantine (ECQ) levels na less than 500 cases.
Lumilitaw din sa record na ang NCR ay nakapagtala ng average daily attack rate (ADAR) na 5.70 cases per 100,000 population, hospital occupancy rate na 36.29%, at intensive care unit (ICU) utilization rate na 45.83%.
Bagama’t ang lahat ng lungsod sa National Capital Region (NCR) ay nakitaan na ng negative two-week case growth rates, ang Pateros, Makati, San Juan, Pasig, Pasay, at Las Piñas ay klinasipika bilang moderate risk dahil sa mataas na ADAR o bed occupancy rate.
Ang Makati ay nakapagtala ng 61.90% healthcare utilization rate at 89.66% ICU occupancy rate, habang 70% ng ICU beds sa Las Piñas ang ginagamit pa hanggang noong Hunyo 21.
Kaugnay naman nito, iniulat din ng DOH na apat pang rehiyon, na kinabibilangan ng Caraga at Regions 6, 11, at 12, ang itinuturing na high risk areas sa COVID-19.
Nabatid na ang ADAR ay umabot ng 9.95 cases per 100,000 population sa Caraga, 8.83 naman sa Region 6, 8.16 sa Region 11, at 7.01 sa Region 12.
Lahat ng apat na rehiyon ay nakapagtala rin ng positive two-week case growth rates, habang ang ICU occupancy rate sa Region 11 ay nasa critical risk category matapos na pumalo sa 86.73%.
Ang iba namang areas kung saan ang healthcare o ICU utilization rates ay tumaas at umabot sa high to critical risk classification ay ang Zambales, Tarlac, Pampanga, Misamis Occidental, Oriental Mindoro, at Benguet.
Nilinaw naman ni De Guzman na sa kabuuan, ang COVID-19 case trend ay nakikitaan na ng senyales ng pagbaba.
Gayunman, binigyang-diin niya na dapat na maging handa ang mga lokal na awtoridad sakaling magkaroon na naman nang biglaang pagtaas ng kaso ng mga impeksiyon sa pamamagitan nang pag-convert sa mga hospital beds sa COVID-19 beds.
Nabatid na ang bansa ay nakapagtatala na ng average na 5,790 new cases daily mula Hunyo 16 hanggang 22, na mas mababa sa average nito na 6,678 daily new infections noong Hunyo 9 hanggang 15. (Andi Garcia)