Advertisers
SINO ba si dating Senador Sonny Trillanes? Ang tanong na maraming kasagutan depende sa kung sino ang tumutukoy at nagtatanong. Maraming sagot na makukuha, pagtuunan natin pansin ang Trillanes bilang politiko at kritiko ng tiwaling gobyerno.
Unang nakilala si SenTri bilang isang sundalo na puno ng idealismo na nagtulak ng kaayusan sa Sandatahang Lakas at kalaunan sa kagalingan ng bansa. Maraming pagsubok ang pinasok upang ipaabot ang pagnanais na maayos ang kalagayan ng bansa. Isa sa mga puno ng pag-aaklas ng mga sundalo mula Oakwood hanggang Manila Penn upang mapakinggan ang boses ng kasundaluhan na ayaw sa korapsyon sa pamahalaan.
Iba man ang paraan ng paghahain ng sentimyento, naging mabisa na nakarating sa lider ng pamahalaan ang hinaing at maaksyunan ang ilang ninanais na pagbabago. Hindi madali ang pinagdaanan, napiit si Trillanes sa ginawang pag-aaklas laban sa pamahalaan na lalong nagpatatag, nagpatibay sa loob at paniniwala na tama ang ginawa kahit nagresulta ng pagkapiit ng maraming taon.
Simula ito ng mahabang lakbay ni Trillanes sa mundo na makikilala bilang isang lingkod bayan. Kahit nasa piitan ipinakita ang determinasyon ng malinis na hangarin para sa bayan. Nakita ni Mang Juan ang sensiridad nito sa paglilingkod bayan kaya binigyan ito ng pribilehiyo na mahalal at makaupo sa mataas na kapulungan ng Kongreso. Sa tulong ng ibang kasama na nagsusulong ng malinis na pamahalaan, nagampanan nito ang trabaho sa Senado kahit nasa piitan.
Sa tindi ng pagnanais ng malinis na pamamahala na hindi niya nakita noong mga panahong iyon, gumawa ulit ng pag-aaklas kasama ang mga kasundaluhan upang ipaglaban ang maayos na kalagayan ng buhay na hindi nasisilayan ni Mang Juan. Muling napiit, subalit mas tumindi ang adhikain na malinis ang pamahalaan at maisaayos ang kabuhayan ni Mang Juan. Tunay na ang katapangan at karanasan ang nagpapatatag sa taong may pagmamahal sa bayan.. Ibang klase to’.
Sa Senado, namalas ang tikas ni SenTri ng walang pag-aatubili banggain ang mga kilalang personalidad at institution sa larangan ng Sandatahang Lakas. Hindi ipinairal ang seniority system ng PMA ng sumalang ang isang opisyal ng dating pamahalaan. Tuwiran ang mga tanong sa bisitang hirap ipaliwanag ang panig. At sa huli binanggit sa harap nito ang mga kamaliang nagawa. Sa di matawarang kagalingan na ipinakita nito sa imbestigasyon, tila napahiya ang opisyal at dinamdam ang pangyayaring nagtulak dito na gumawa ng bagay na utasin ang sariling buhay. Nagsimula sa tamang hakbang si SenTri sa laban kontra katiwalian at sa malinis na pamamahala.
Sa Senado, ilang pagkakataon na napansin ang tikas at tapang nito na kahit sa mga batikang senador na talagang bumubuga ng laway’ pinatulan nito na halos sumabog ang laway sa galit. Hindi malaman kung paano ayusin ang pagdinig upang mapalabas na walang sala ang iniimbistigahan. Subalit hindi nagpaduro at hindi tinigilan ni SenTri ang pagbatikos sa mismong kapwa senador na puno ng isang committee. Inusal pa ni SenTri na mukhang hindi na “blue ribbon committee” ang dumidinig sa usapin kundi ang “committee de absuelto” na ikinagalit ni Laway at pina contempt pa si SenTri dahil sa sinabi.
At ganun din ang eksena ng makatabi at makatalo ang dating senador na naging ispiker. Naging sumbungero sa chairperson ng committee na dumidinig sa usapin na hindi daw ito papopormahin ni SenTri. Natakot sa tikas na ipinamalas ng butihing senador at naging asiwa si dating ispiker na ibig lumipat ng upuan upang ipagpatuloy ang interpelasyon nito sa isang witness. At kapansin pansin na nabahag ang buntot ni Sen. Alanganin kay SenTri ng mga oras na iyon na parang batang ibig umiyak. Mabuti’t nariyan ang Chairperson De5 at agad na sumaklolo sa bahag ang buntot na bata ni Totoy Kulambo.
Sa larangan ng pakikipagnegosasyon nasilayan ni Pnoy ang husay ni SenTri ng atasang makipagnegosasyon sa mga tsekwa na sumasakop sa mga islang pag-aari ng bansa. At sa backdoor negotiation, lumabas ang galing ng makumbinsi na bawasan ang dami ng mga barko ng Tsina na pumapalaot sa mga pinag-aagawang mga isla. Sa higit na isang daang barko, napababa ang bilang ng mga ito sa kulang sampu.. Mahusay ang pagkakaganap nito bilang negosyador sa usapin ng pinagaagawang mga isla. Ito’y tunay na ikinagalak ng pamahalaan. At sa sumunod na kasaysayan, napanalunan ng bansa ang usapin ng WPS sa UNCLOS.
Bilang kritiko ng kasalukuyang pamahalaan, ilang ulit na tinangka ni Totoy Kulambo na ipapiit si SenTri upang patahimikin sa mga batikos na ipinupukol sa administrasyon. Hindi nagtagumpay, hayun, hindi malaman kung paano sasalag sa mga batikos na ipinupukol ni SenTri dahil may mga dokumentong hawak ito na nagpapatibay sa mga alegasyon. Halatang pikon si TK maging ang sidekick na si Bongoloid na nanggagalaiti sa galit tuwing may binabangit si SenTri laban sa kanila.
Batid na ni Mang Juan ang P6.6B na kabuuang kontrata na napunta sa mga kamag-anak ni Bongoloid. Hinikayat pa nito na magsampa ng kaso saan mang hukuman at haharapin. Hindi amateur at batid ni SenTri na kaya itong pagtakpan sa panahon ngayon dahil kayo ang nasa kapangyarihan. Hintayin ang oras na wala na kayo sa pwesto at dadamputin kayo sa kangkungan. Hindi pa kasama ang usapin sa mga paglabag sa karapatang pantao. Sa pagkilos ng ICC, sa pagbaba ninyo sa pwesto tinitiyak na kayo’y makakalaboso. Walang duda na kayo’y makukulong.
Ang kalidad ng pagkatao ni SenTri na tinatayuan ang pag-ibig sa tinubuang lupa, makikita ang Bagong Katipunero sa panahon ng teknolohiya at impormasyon. Hindi ibinigay ang paniniwala sa malinis na pamahalaan kahit ang naging kapalit nito’y kalayaan. Ang pagtayo sa kamalian at mga pagmamalabis ng sinumang pamunuan noon hanggang ngayon ang tunay na kahanga-hanga na dapat ipagmalaki.
Hindi man ito matapatan, ang matularan kahit konti’y isang malaking ambag sa kagalingan pambayan. Ang hindi bumigay sa panggigipit ng nasa kapangyarihan, ang di pagsunod sa tradisyon, ang hindi bumaligtad para sa karangyaan ang ilang katangian na sasagot bakit si Trillanes sa ’22. Si Trillanes na tumayo at nakulong para sa kagalingang pambansa ang dapat sa panguluhan….
Maraming Salamat po!!!