Advertisers
MAY mga netizen na nagtanong sa amin kung bakit hindi maalab ang aming damdamin kay Bise Presidente Leni Robredo. May nagtatanong kung bakit mukhang hindi namin sinusuportahan ang kandidatura ni Leni sa halalang pampanguluhan sa 2022.
Diretsong usapan at hindi kami magpapaligoy-ligoy. Paano kami sumusuporta kung hindi malinaw na tatakbo ang Bise Presidente? Ano ang batayan ng suporta sa kanya? Paano maging maalab ang suporta kung siya mismo hindi maalab sa pulitika? Sa maikli, ayusin muna niya ang sarili at sabihin ang totoong nais.
Habang tumatagal at napapag-isipan namin ang kasalukuyang ang oposisyon at puwersang demokratiko sa bansa, makukumbinsi kami na palpak si Leni sa pamumuno sa oposisyon. Hindi niya naiintindihan ang kanyang sitwasyon bilang lider at mukha ng oposisyon sa bansa. Hindi siya magalang sa kanyang political constituency.
Hindi kami basta nagduda sa kakayahan ni Leni. Dumaan kami sa proseso bago kami nagduda. May mga karanasan bago namin napag-isip na wala siyang kakayahan na mamuno at tumayo sa simulain ng demokrasya. Sa maikli, walang maasahan sa kanya kapag dumating ang gitgitan at totoong labanan.
Nag-umpisa ang aming alinlangan sa kanyang kakayahan nang matalo ang buong tiket ng Otso Diretso noong 2019. Nang magkaroon ng “seven-hour” glitch o pitong-oras na pagkabalam sa pagbibilang ng resulta ng halalan na nauwi sa biglang panalo ng buong tiket ng administrasyon, hindi namin siya nakita, bilang lider ng oposisyon, na gumitna upang tutulan ang mga resulta. Mabilis na tumiklop ang puwersa ng oposisyon at tinanggap ang resulta ng walang malinaw na pagtutol kahit katiting. Masyadong malamig si Leni sa pagtayo sa mga resulta.
Tumindi ang aming alinlangan sa Bise Presidente sa huling bahagi ng 2020. Napansin namin na walang paghahanda kahit kaunti sa halalang pampanguluhan ng 2022. Siya ang chair ng Liberal Party at napansin namin na walang kumpas upang maghanda sa halalan. May iba siya na labis na pinagkaabalahan. Nandiyan ang kanyang mga proyekto sa Camarines Sur at pagharap sa pandemya na hindi nagagawa ng gobyerno ng batugan na si Rodrigo Duterte.
Advertisers
Wala kaming pagtutol sa mga ibang proyekto, ngunit napansin namin ang ganap na pagtalikod sa kanyang papel bilang lider ng oposisyon. Hindi kumikilos si Leni ast ipinagmamalaki pa niya na wala siyang ginagawa bilang lider oposisyon. Liderato ba ito sa oposisyon?
Dahil walang paghahanda sa 2022, may mga ilang lider oposisyon ang gumalaw at nabuo ang 1Sambayan bilang bagong koalisyon ng puwersang demokratiko na magbibigay ngayon ng giya sa oposisyon. Isinangguni sa kanya ito, ayon sa ilang convenor, at pumayag siya sa pagbuo nito.
May ginawang sariling proseso ang 1Sambayan sa pagpili ng kandidatong pampanguluhan sa 2022. Malinaw na isinantabi ang kanyang hangarin na lumaban sa 2022. Hanggang ngayon, kumbinsido kami na hindi tatakbo si Leni Robredo sa panguluhan ng halalan sa 2022. Mahina ang kanyang loob at alam niya sa sarili na hindi siya mandirigma.
May iba pa siyang dahilan at kasama na ang kanyang kakulangan ng pondo upang sumabak. Ang hindi katanggap-tanggap ay ang kakulangan niya ng talastasan sa kanyang political constituency at sabihin na hindi siya tatakbo. Pilit na pinapaikot sa kanyang kamay ang puwersang demokratiko at pinaghihintay sa kanyang desisyon kahit alam namin na wala siyang plano na tumakbo.
Hindi kailangan ang 1Sambayan kung malinaw na tatakbo siya. Kung tatakbo siya, kalabisan ang 1Sambayan at ang proseso ng pagpili na kinakatawan nito. Masakit ang pinapaasa ang oposisyon sa kanyang desisyon na alam namin na hindi tatakbo. Ngayon, siya pa ang mukhang gumigiba sa 1Sambayan.
Ginagamit ang Liberal Party upang anyayahan ang ilan na may malabong kwalipikasyon bilang oposisyonista. Hindi namin alam kung bakit kinakausap ng Liberal Party sina Mane Pacquiao, Isko Moreno, Joel Villanueva, at Pampi Lacson na sa alam naming ay sumusuporta sa malawakang patayan, o EJK, kaugnay sa bigong giyera kontra droga. Siempre, batid namin aprubado kay Leni ang galaw ni Kiko Pangilinan.
Umalis si Isko Moreno sa proseso ng 1Sambayan ng nabisto siya na sumusuporta kay Duterte. Nabisto siya na iba ang konsepto niya ng “healing presidency.” Para kay Isko ang ibig sabihin ng konseptong ito ay talikuran ang mga krimen ni Duterte sa bayan at patawarin siya. Hindi naiintindihan ni Isko ang ibig sabihin ng katarungan. Wala ito sa kanyang bokabularyo.
Kinampihan ni Mane ang EJKs at nagbigay siya ng ilang talata sa Bibliya na panig sa ginawa ni Duterte. Kampi si Joel sa mga EJK at bago ang halalan ng 2016, inilipat niya ang suporta at kinampihan si Duterte. Malasado ang paninindigan ni Pampi.
Kung susuriin ang record ni Leni, hindi siya diretsong tumayo sa usapin ng mga patayan sa bansa, o EJKs. Hindi siya nagsalita noong kasagsagan ng mga patayan lalo na sa unang tatlong taon ng administrasyong Duterte. Hindi siya sumuporta sa sakdal na crimes against humanity na isinampa ni Sonny Trillanes at Gary Alejano sa International Criminal Court (ICC). Naging sigurista siya dahil ayaw niyang madamay sa kontrobersiya.
Nag-umpisa siya na magsalita sa mga usapin noong 2019 ng pangunahan niya ang oposisyon sa halalan noong taon na iyon. Natalo ang Otso Diretso, ngunit bumawi siya noong nagkaroon ng pandemya noong nakaraang taon at dumaan ang ilang sakuna tulad ng bagyo at baha sa ilang bahagi ng bansa.
Hindi maikakaila na mahusay na lider si Leni lalo na sa mga community at social works. Sabi ng isang netizen: “Pang-DSWD.” Ngunit hindi pampangulo ang kanyang kakayahan at kasanayan. Kailangan ng isang pangulo ang maayos na pag-iisip lalo sa pagtugon sa maraming usapin ng bayan. Sa pagbaba ni Duterte sa poder, kailangan natin ng pangulo na magpapakulong sa kanila upang huwag maulit ang madilim na bahagi ng ating kasaysayan.
***
QUOTE UNQUOTE: “A statesman thinks that he belongs to the state while a politician thinks that the state belongs to him. FPNoy was a statesman while Digong is a politician.” – Sajid Sinsuat Glang, netizen
“Bishop Ambo is a person of integrity and has lived his life exemplifying a spirit of service to others and to all the people of Caloocan. This is a welcome development. His long track record in defending human rights, and his staunch and consistent opposition to extrajudicial killings make him the ideal leader of the CBCP to help lead the Church and sheperd its flock back to the path of democracy.” – Akbayan Party List statement