Advertisers
Dama ng tao sa puno ng Balite ng Malacanan higit ni Jun Singhot ang pangangailangan ng tao sa laylayan, ang mababang halaga ng bilihin. Sa dinaluhang gawain, pinasinayaan ni Jun Singhot ang pagbubukas ng ilang tindahan na mabibilihan ng P20/K bigas. Ang programang pangako noong panahon ng kampanya ng ’22. Ang mahinang ekonomiya ng bansa na minana sa nagdaang liderato mula sa kaTimugan ang silip na sanhi ng nabalam na programa. Maraming pagpipina ang ginawa sa pagpapalakas ng ekonomiya ng bansa sa layon na magtuloy – tuloy ang pagpapababa ng halaga ng bigas sa merkado. At sa nakamtang kagalingang kabuhayan ng bansa, inilunsad ang programa ng mababang halaga ng bigas na ibig paabutin ‘di lang sa katapusan ng termino sa halip ang mapanatili sa mahabang panahon. O’ saan ka pa…
Sala ang pagdududa sa kakayanan ni Jun Singhot sa unang bahagi ng pamumuno dahil sa kahinaan sa pagpapasya sa mga usapin ng bansa. Ang ‘di nakitang kagalingan na dinadama ang kaayusan ng nadatnang pamahalaan at ng isusulong na programa, naroon usapin na itinabi ng nakaraang pamahalaan. At dahan dahang pinalakas ang kabuhayan sa likod ng pagsubok na pagsaid ng pondo ng bayan mula sa pinagmanahan, at ang kinagiliw sa mahusay na pagdadala ng bayan. Ang pagdama sa pangangailangan ni Mang Juan higit ng bayan ang kagalingan na mataan sa liderato na pilit na inilulugmok ng ilang mapag-imbot na kakampi. Ang layon ng mga mapagpanggap na kakampi ay maipakita sa bayan na sala ang liderato ni Jun Singhot. Ngunit ang kabila ng katotohanan ang ipinamalas, paglakas ng ekonomiya ng bayan.
Ang nakamtang pag-angat ng kabuhayan sa bansa’y ‘di nag-iisang ginawa ng pangulo dahil nariyan ang iba’t ibang ng sangay ng pamahalaan o tanggapan ng pamahalaan, maging ang mga ahensya ng GOCCs / GFIs na tunay na mga bayani. Ang mga kawani ng pamahalaan ang naglalakad sa ibaba upang mabatid ang ganap na kalagayan ni Mang Juan. Sa pagkalap ng mga datos ng kalagayan at napag-alamang ang nais na programa mula sa tao sa laylayan, hindi nagpatumpik tumpik ang pamahalaan na inilunsad ang mga tindahan na mabibilihan ng mababang presyo ng bigas, P20/K, na nagpangite kay Mang Juan.
Myli, sa paglago ng kabuhayan ng bansa, hindi matatawaran ang ambag ng mga tanggapan ng pamahalaan higit ang mga GOCCs / GFIs na patuloy na nagsasalin ng kita sa kabang bayan para sa proyekto o programa ng pangulo. Ang pagsasalin ng pondo sa kabang bayan ang ‘di hayag na kaalaman higit ang mga korporasyong na bilyon – bilyon ang kitang ambag. Hindi kailangan ipabatid ang ambag at ito’y ginagawa sa taunan higit sa pagsisimula ng taon kung saan inilalatag ang kaukulang proyektong tustusan na natukoy sa pagdinig ng kongreso. Walang tuwirang halaga ang pagsasalin ng mga GOCCs / GFIs sa halip naka depende ang halaga sa liit o laki ng kita sa nakalipas na taon. Subalit karaniwan na hindi bumababa ang halaga sa nakaraang taon ambag. Ganap ang ambag ng mga korporasyon ng pamahalaan sa mga gastusing may pakinabang ang bayan at si Mang Juan.
Sa pag-aaral, napansin na ‘di kasama ang mga GOCCs / GFIs sa tinatawag na Salary Standardization Law (SSL) na ibinibigay sa mga ahensya ng gobyerno na tinatawag na “line agency/ies”. Wala o hindi nakakatanggap ang mga kawani banggit na mga korporasyon ng umento na taunang ibinibigay sa mga kawani ng tangapan mula sa mga line agency/ies. Ang masakit ang umentong natatangap ay likha ng batas na ipinasa ng lehislatura na tatangapin sa loob ng tatlong taon. At kasama ang umento o SSL sa pondo na nilalaanan ng kongreso sa mga tangapan sa pamahalaan.
Samantala, hindi o walang paraan na makatanggap ang mga kawani ng GOCCs / GFIs ng kaukulang umento dahil nariyan ang tinatawag na Compensation Position Classification System (CPCS) na basehan ng umento para sa mga korporasyon ng pamahalaan. Ang masakit tila nakapikit at nagtetengang kawali ang ahensya ng pamahalaan na Government Corporate Council (GCG) sa hinaing at panawagan ng mga kawani mula sa Kapisanan ng mga Manggagawa sa GFIs/ GOCCs (KAMAGFFI) na galawan ang nakatenggang umentong inihain sa hapag o sa tanggapan. Hindi batid kung bakit maramot sa kawani ang liderato ng GCG gayung silip ang ambag ng mga GOCCs / GFIs sa kabang bayan na nagagamit sa programa ng pamahalaan. O’ sadyang sarili ang una, gayong batid na maging ang personal na gastusin ng mga pamunuan ng mga korporasyo’y nakapatong sa tustusin ng tanggapan.
Sa totoo lang, hindi ganap ang pagsasakatuparan ng unang CPCS na binansot sa pagpina sa mga maka kawaning probisyon at pagkiling sa mga opisyal na mga benepisyo. Ang makamit ng mga kawani na makatawan ng opisyal ng unyon o samahan ang tindig ng mga rank-and-file sa management committee ang hakbang na ‘di dapat ipagkait ng GCG maging ng mga namumuno ng mga ahensya. Ang pagkatawan ng lider ng unyon sa usapin ng ahensya ang bagay na dapat ibigay higit karamihan sa mga kawani’y pirmihan sa pagtratrabaho o protektado ng komisyon ng serbisyo sibil. Habang ang mga opisyal ay pawang may termino o kasabay sa pagbaba ng mga nagluklok.
Sa paglalapit ng hinaing ng KAMAGGFI, ang maipaabot sa kinauukulan higit sa mama sa puno ng Balite ng Malacanan, naniniwala na dalisay ang layunin sa serbisyong ibig ihatid sa tao sa laylayan. Ang paniniwalang katulad na tindig na ikinakatawan ng bawat kawani sa pamahalaan na ‘di nagbibilangan sa halip ang maipaabot kay Mang Juan o kay Aling Juliana ang tunay na serbisyo. Matatasa at masabing ang sipag na ipinapakita ng mga kawani ng GOCCs / GFIs makikita sa pataas na pataas na pagsasalin ng pondo sa kabang bayan na gamit sa tuwirang programa ng pamahalaan para sa tao’t sa bayan. Walang hindi gagawin para sa kagalingan ng tao na sinumpaan ng serbisyo ng bawat kawani ng pamahalaan.
Sa huli, hindi na ibig ipaabot sa GCG ang usapin ng mga kawani ng GOCCs / GFIs, sa halip, tuwirang ipinaabot sa tao sa puno ng Balite sa Malacanan na huwag iwalay sa puso at isip ang pagmamalasakit dahil karamihan sa kanila’y kabilang sa dapat serbisyuhan. Ang ipatupad ang batas na Executive Order 150 o CPCS ang tugon na magagawa sa mga kawani ng korporasyon ni Jun Singhot kapalit sa serbisyong tapat sa tao sa laylayan. Malaking bagay ang payak na tulong sa mga kawani ng GOCCs / GFIs na ‘di makaka-epekto sa kaban bayan.
Maraming salamat po!!!!