NTF-ELCAC NAGBABALA: Anti-Red-Tagging Bill, Mapanganib na Pananggalang ng mga Tagapagtanggol ng Terorismo
Advertisers
Nagtaas ng matinding alarma ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) laban sa panukalang Anti-Red-Tagging Bill, na sa halip na maging panangga ng demokrasya ay nagiging mapanganib na baluti para sa mga nagkukubling tagasuporta ng terorismo sa ngalan ng legalidad.
Bagama’t ipinapakita ito bilang proteksyon laban sa mapanirang pag-uugnay, ang panukala ay naglalayong gawing krimen ang lehitimong pagbubunyag ukol sa pambansang seguridad, patahimikin ang mga dating rebelde at biktima ng insureksyon, at bigyang-lakas ang mga lihim na galamay ng CPP-NPA-NDF na namumuhay sa panlilinlang at panlulusot.
“Linawin natin—hindi inosente ang pinoprotektahan ng panukalang ito. Ang pinoprotektahan nito ay yaong mga sumasakay sa ating kalayaan upang ito’y sirain,” pahayag ni NTF-ELCAC Executive Director Ernesto C. Torres Jr. “Nilalagay nito sa panganib ang mga nagsasabi ng totoo, habang pinangangalagaan ang mga tagapagtaguyod ng insureksyon na nagpapanggap na biktima.”
Sa esensya, ang panukalang batas ay maaaring gawing krimen ang mga lehitimong pahayag—batay sa mga ulat pang-intelihensiya, sinumpaang salaysay ng mga dating rebelde, at aktwal na karanasan ng mga pamayanang minsang sinakop ng terorismong komunista. Sa pamamagitan ng pananahimik ng mga naglalantad sa mga front organization at koneksyon nila sa CPP-NPA-NDF, binibigyan ng lakas ang panlilinlang at pinapahintulutan ang kawalan ng pananagutan.
“Walang demokrasya sa pagtatanggol ng mga grupong nagra-radikalisa ng kabataan, nangingikil sa mga magsasaka, at sumasabotahi sa ating mga institusyon,” ani Torres. “Kapag ito ay naisabatas, lalagyan nito ng busal ang ating mga pwersa ng seguridad, pipigilan ang boses ng ating mga komunidad, at bibigyang-laya ang mga arkitekto ng panlilinlang.”
Hindi panunupil ang layunin ng NTF-ELCAC kundi kapayapaan. Isa itong pambansang kilusan para sa pagbuo ng kapayapaan. Mahigit 9,300 barangay na dating may kaguluhan ang natulungan na nitong makamit ang kapayapaan at kaunlaran, kasabay ng pagsuko at pagbabagong-buhay ng libu-libong dating rebelde. Sa pamamagitan ng Barangay Development Program, ?36.823 bilyon na ang nailaan sa mga pamayanan, at may 4,506 pang barangay na nakatakdang makinabang mula 2026 hanggang 2028.
Ilan pa sa mga tagumpay ng task force ay ang sumusunod:
?230 milyon para sa elektripikasyon ng mga sitio sa pamamagitan ng 749 Serbisyo Caravans;
Mahigit ?10 bilyon sa mga pangunahing imprastruktura mula sa DPWH;
Mga inobatibong programa tulad ng Peace Farms (DA) at Geospatial Monitoring (DENR) na tumutugon sa ugat ng insurgency—kahirapan, pag-iisa, at kapabayaan.
“Ang mga tagumpay na ito ay hindi nakamit sa pamamagitan ng propaganda, kundi sa pagtanggap ng masakit na katotohanan, matapang na pamumuno, at matatag na paninindigan,” giit ni Torres. “Kung ngayon ay sasabihin na krimen ang maglantad ng mga tagasuporta ng terorismo, ito ay isang pagkakanulo sa lahat ng pinaglabanan natin.”
Mariin ding binatikos ng NTF-ELCAC ang tila piling pagkabahala ng mga tagapagtaguyod ng panukala, habang nanahimik sila sa mga panahong ang mga bata ay ginawang mandirigma, ang mga komunidad sa kanayunan ay piniga sa “revolutionary tax”, at mga kababaihan ay inabuso sa loob ng mga lihim na kilusan.
“Nasan ang mga tinatawag na tagapagtanggol ng karapatan nang wasakin ang buhay ng mga inosente ng mga grupong pilit nilang pinoprotektahan ngayon?” tanong ni Torres. “Sino ang umalma nang makita ang mga estudyante, na dating aktibista, ay nalibing kasama ng mga NPA sa kabundukan?”
Binigyang-diin ng task force na bagama’t tinututulan nito ang iresponsable at walang basehang pag-uugnay, ang panukalang batas ay mapanganib na isinasama ang pagsasabi ng totoo sa mga mapanirang paninirang-puri—nagbubukas ito ng pinto sa paggamit ng “pagpapanggap bilang biktima” ng mga front organization at kanilang mga tagapagmaniobra.
“Nanawagan kami sa Kongreso—magpasa kayo ng batas nang may mulat na mata, hindi dahil sa mga kasinungalingan,” ayon kay Torres. “Hindi matitindig ang kapayapaan sa kasinungalingan. Hindi mapoprotektahan ang demokrasya sa pananahimik ng mga naglalantad sa mga kaaway nito.”
Muling pinagtibay ng NTF-ELCAC ang paninindigan nito para sa kapayapaang nakabatay sa katotohanan, katarungan, at tunay na reporma. “Hindi kami kailanman matatakot sa mga pakana ng masamang loob. At kailanman, hindi namin hahayaang maligaw ang bayang ito ng mga lobo na nagkukubli sa kasuotang tupa,” pahayag ni Torres.