Advertisers

Advertisers

Kapani-paniwala si Totoy vs Atong

0 6,675

Advertisers

SINAMPAHAN ni Atong Ang ng patong-patong na kaso ang dating niyang dikit na security at “anak” matapos siyang ituro na utak sa pagdukot at pagkatay sa nasa 100 sabungero noong kasagsagan ng kanilang online sabong, bago matapos ang termino sa pagkapangulo ni Rody Duterte.

Kabilang sa mga isinampa ni Atong laban kay alyas Totoy (Julie “Dondon” Patidongan) ay pagbabanta, pangingikil at Cyber Libel.

Kung ating hihimayin, malabo ang mga kasong ito laban kay Totoy. Mismo!

Sa mga nakakaalam o nakakakilala kay Atong, hindi mo siya kayang pagbantaan at kikilan. Dahil ang taong ito ay napakamaimpluwensya dahil narin sa kanyang bilyones, na magaang nakamal mula sa kanyang mga pasugal. Tambak ang kanyang badigard na mga pulis. Kaya malabo ang kanyang mga akusasyon kay Totoy na isa lamang niyang utusan.

Oo! Si Totoy ay chief security ni Atong sa kanyang mga game farm at sabungan. Gumagalaw lamang ito kung ano ang kanyang utos.

Kung ano ang dahilan ng kanilang away at pagdiin sa kanya sa missing sabungeros, siguro Diyos narin ang may gawa, para mabigyan ng hustisya ang mga nawawalang sabungero, na ayon nga kay Totoy ay si Atong talaga ang utak ng lahat.

Sa mga rebelasyon ni Totoy, kapani-kapaniwala ang mga ibinunyag niya sa pagkawala ng mga sabungero. Detalyado ang mga pangyayari. May video pa raw siya ng mga pagpatay. Kilala niya lahat ng dumukot sa mga sabungero sa Manila Arena, ang bigtime na sabungan sa Sta. Ana, Manila na pag-aari ni Atong.

Idinatalye rin ni Totoy kung paano pinatay ang mga sabungero. Karumaldumal!!! Tinortyur daw ang mga ito. Binigti ng alambre hanggang sa malagutan ng hininga at nilagyan ng sandbag ang katawan saka inihulog sa Taal Lake sa Batangas.

Pagbubunyag pa ni Totoy, may Police Colonel, Major at Kapitan na sangkot sa krimen.

Pati ang aktres na si Gretchen Barretto at kilalang sabungero na sina Eric dela Rosa at Celso Salazar ay binanggit ni Totoy na may alam sa mga pagdukot at pagpatay sa mga sabungero.

Si Gretchen ay madalas kasama ni Atong sa sabungan. Kasama raw siya sa halos lahat ng miting ng ‘Alpha group’.

Maliban sa mga personalidad na nabanggit, sinabi ni Totoy na mayroon ding mga politiko na sangkot sa krimen, isa raw senador na kilala sa pamimigay ng tulong at dalawang kongresista. Hmmm… mukhang kilala ko narin sila. Sila nga yun! Hehehe…

Balikan natin ang sagutan nina Totoy at ng kanyang dating boss:

“Yung mga paratang mo sa akin, na ako ay nanghihingi sayo ng pera, para malaman mo… ikaw mismo ang nagbigay sa akin ng pera para kailangan baliktarin ko lahat ng sinasabi ko at ino-offer-an mo ako ng halaga…pero hindi ko tinanggap,” sagot ni Totoy sa mga akusasyon ni Atong.

“Hinihingan ako ng P300 million para ibigay daw para ‘wag daw ako idamay doon sa kaso nila. Kasi sila ang may kaso, hindi naman ako eh… Don, mag-isip ka… Huwag ka nang magsinungaling nang magsinungaling. Itinuring kitang parang anak ko, eh. ‘Di ko alam na ganyan ka kasama, pati ako papatayin mo pa, kikidnapin mo pa ako,” bira naman ni Atong.

Sa mga sinabing ito ni Atong, tanga nalang ang maniniwala na papatayin siya o kikidnapin ng isang utusan lamang niyang si Totoy. Malabo ‘di ba?

Say naman ni Totoy sa mga ikinaso sa kanya ni Atong: “Parang kinasuhan narin niya ang kanyang sarili rito.”

Anyway, tingnan natin kung ano ang magiging findings dito ng City Prosecutor ng Mandaluyong. Abangan!

***

Sa reaksyon ng netizens sa social media, naniniwala sila sa mga rebelasyon ni Totoy laban kay Atong Ang.

Anila, sabit lang si Totoy bilang ‘accessories of the crime’.

Si Totoy ay pinag-aaralan ng DoJ na gawing state witness.

Malamang mabalik sa kulungan si Atong. Karma ito!