Advertisers

Advertisers

Muli — Huling pakiusap Leni

0 23,601

Advertisers

NAGSIMULA ng umarangkada ang makinarya sa eleksyon ng Inferior Davao Group (IDG) ng magpahayag ng pagpasok bilang kandidato sa pagkapangulo si Inday Sapak. Walang pag-aatubili na naglabas kaagad ang False Asia na nangunguna ang mag-ama mula sa Davao City sa survey na ginawa nito na wala pang isang linggo buhat ng magpahayag si Inday Sapak ng kahandaan na pumalaot sa halalan pangpanguluhan. Ang mga tanong at pagtatanong ba’y nagawa sa loob ng isang linggo pagkatapos ng pahayag ng pag-ayon sa pagtakbo ni Inday Sapak? O binibilog lang ang kaisipan ng nakararaming naghihirap, walang trabaho, salat sa tamang serbisyo, at di bakunadong Pilipino?

Ang ipinalabas na pahayag ang tuwirang magsasabi na gumalaw na ang makinarya ng IDG upang maaga pa lang makondisyon na ang kaisipan ni Mang Juan na ito ang pinakamalakas na tatakbo at mananalo sa halalan sa ’22. Tunay na malaki ang pondo at makinarya ng gobyerno sa usapin ng pagpapakalat ng balita hingil sa mga opisyal na sinusuportahan nito. Sa intelligence fund palang eh garbo na ang dating, eh kung isama pa ang pondong inilalaan sa darating na halalang pambansa. Kamusta na ang inutang na pondo sa bakuna, tila pawang mga donasyong bakuna ang naiturok kay Mang Juan.

Advertisers

Hindi batid kung ang maagang paghahanda ng IDG’y nakatuon sa bantulot na pagpapasya ni Busy Leni kung tatakbo o hindi sa halalan pang panguluhan sa ’22. Ang malinaw, na aarangkada na at tumatakbo ng maayos sa saliw ng maayos na pondo na pinaghahandaan. Sadyang inaalis ang mga balakid, makakatungali o hahati ng boto kung sakaling may malakas na kalabang handang magsugal laban sa IDG. Inumpisahan sa boksingero na nangangarap na tumira sa puno ng Balite sa Malacanan. At heto, nakapag pasurvey na ng dali-dali pagkalipas ng isang linggong pagpapahayag ng pagnanais na pumalit kay Totoy Kulambo bilang tagapagmana ng trono ng mga gago, at sa susunod si Boy Tattoo, hehehe.

Sa mga pangyayaring bumabalot sa takbo ng pulitika sa bansa, ‘di dapat makampante ang mga politiko saan dako ng bansa na namumuo ang takot sa pamilya na dahas ang puhunan sa halip na serbisyong bayan. Hindi maikukubli na ang mga pagbisita o mga pulong na ginagawa o gagawin ay upang palambutin ang matigas na bato kontra sa IDG gamit ang makinarya ng gobyerno. Ito ang tatak IDG, takutin ang sinumang balakid sa kanilang daraanan. Sa kalakarang ito, hindi malayo na ginagamit na ng IDG ang mga nakatagong mga bala laban sa mga taong balakid sa kanilang layuning manatili sa pwesto. Mapalad kung walang usapin na itinatago dahil limpak na salapi ang kapalit. Sa inyo na may tinatagong misteryo, humanda’t malamang na kalkalin ito upang pumanig kayo sa mga gago sa ayaw ninyo o sa gusto. Gagawin ang paninikil sa paggamit ng makinarya ng gobyerno upang bumigay sa kagustuhan o ang buhay ang maging kapalit.

Alam ni Mang Juan na may mga tao parin na matuwid mag-isip at hindi basta nakukuha sa pananakot o ng salapi. Sa ganitong banda, gawin na ang paghahanda para sa kinabukasan. Hindi ito ang lahing nagpapaapi, sa halip ito ang lahing tumatayo kung ano ang tama para sa nakakarami. Para saan nariyan ang mga dinadakilang mga bayani na tumayo laban sa paniniil ng dayuhan o magiging diktador. Ang pagtayo sa tama ang kailangan upang masilayan ng mga salinlahi ang silahis ng araw sa kinabukasan. Ang mga taong magsasakripisyo ngayon ang siyang hanap upang ang malasap ang mapayapa at malayang kinabukasan para sa lahat. Kabi-kabila ang laban subalit ang tahakin sa kalayaan at sa kinabukasa’y lubhang matarik ngunit mapaglalabanan. Hindi pa huli ang lahat upang isulong ang tamang daan at tamang tao sa mapanganib na laban na minsan ng ginawa ng asawa nito na nagbuwis ng buhay para sa serbisyong bayan. Hindi man sa marahas na pagbubuwis ng buhay, batid ni Mang Juan na walang pag-aagam-agam ito na gawin ang dapat gawin para sa serbisyong bayan. At ito ang mapagmamalaki ng lahing hindi umaatras sa laban para sa bayan.

Sa puntong ito, muli at sa huling pagkakataon, nananawagan at nakiki-usap ang Batingaw sa isang babae na kailangan nitong tumayo upang pangunahan ang laban kontra sa mapagmalabis na katungali sa politika. Ang iyong pagtayo’y aming pagtayo upang ang kinabukasan ng bayan at ni Mang Jua’y magkaroon ng liwanag na talagang iginupo ng walang habas para sa sariling kapakanan. Dama ni Mang Juan ang tahimik mong serbisyo na pinakatatangi dahil dama ang iyong pagmamalasakit. Hindi maitago ang saya kung ika’y nasisilayan harapan o media man. Ang totoo mong pagganap bilang ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa’y sumasagi sa puso na may kaligayahan.


Ang pagbangon sa kinabukasan, namamana man sa dilim, batid ni Mang Juan na hindi mo magagawang iwan ang laban para sa iyong mamamayan. Ang karanasan dalawang ulit mong ipinanalo’y gawing tatlo upang ang kinabukasan ng bayan, maging ng iyong mga dalagang umaasa na ‘di mo sila bibiguin. Ang iyong pagpapasya napapanahon na, si Mang Jua’y nakahanda at taos sa puso ang pagtulong na isusulong. Alang kapalit na hanap, kung hindi ang tamang desisyon sa tamang oras at ngayon ang tamang oras. Sa iyo Busy Leni, itataya ni Mang Juan ang buhay at buhay ng kanyang mga anak upang sa kinabukasa’y masilayan ang silay ng haring araw. Huwag ng mag-alinlangan nasa iyo ang bukas para sa panguluhan.

Batid namin ang kabigatan ng gagawing pagpapasya kontra sa kalabang sagana sa makinarya. Ang kasaysayan ang ating guro na nagturo na walang hindi kayang tibagin kung may pagkakaisa ang bayan. Muli at huling pakiusap mahal naming Pangulo, ang tinig nami’y sanay iyong dingin para sa bansang pinagtaksilan ng iilan. Magpasya para bayan na sadlak sa dusa. Mahal na pangulong Leni Robredo, ito ang tadhana na ‘di mo maiiwasan. Mabuhay ang pag-asa ng Bayan.

Maraming Salamat po!!!

Leave A Reply

Your email address will not be published.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More