Advertisers

Advertisers

TIKTOKER NA MINURA SI ‘YORME’ ISKO SUMUKO!

0 761

Advertisers

KUSANG humarap sa tanggapan ng Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) sa Manila City Hall ang tiktoker na nag-viral nang murahin at laitin si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso kasama ang mga magulang at lola nitong Huwebes.

Kinilala ang tiktoker na si Car Lazaro, 20 anyos, estudyante ng Ateneo University.

Ayon sa hepe ng SMaRT na si Police Lt.Colonel Rosalino Ibay Jr., labis na pinagsisihan ni Lazaro ang kanyang nagawa na aniya wala naman siyang masamang intensyon sa alkalde dahil batid naman nito ang magandang ginagawa sa lungsod.



Sinabi pa ni Lazaro na nadala lamang siya kasama ng kanyang dalawang kaibigan sa tindi ng pagkalasing.

Sinamahan ng kanilang magulang at lola ang binatilyo upang magpahayag ng ‘public apology’ bagama’t sinabi ni Ibay na hindi naman sila ipinatatawag.



Nabatid na inulan ng masasamang komento, masasakit na salita at pagbabanta ang binatilyo.

“Gusto ko pong humingi ng tawad unang-una po sa lahat kay Yorme po. Wala naman po talaga akong intensiyon na siraan po kayo dahil alam ko naman po ang mga ginawa ninyo sa Maynila. Nadala lang po ako ng kalasingan. Alam ko naman po na mabuting tao po si Yorme. Sa mga nanonood po, humihingi po ako ng tawad. Mali ko po talaga ‘yun. Inaamin ko po kaya ko po nasabi ‘yun nadala lang po ng pagkainum ko,” paiyak na lahad ni Lazaro sa FB live ni Col. Ibay.



Ayon kay Ibay, sinabihan lamang siya ni Yorme na payuhan ang binatilyo at hindi naman nagdalawang isip si Yorme na agad itong patawarin dahil hindi naman pinapansin ng alkalde ang nasabing viral video kahit pa ipinapakita na ito sa kanya.

“Ang payo lang natin, think before you click, kasi dito madami ka masasaktan. Hindi lang mga damdamin ng mga nagmamahal kay Mayor kundi halos lahat ng Batang Maynila,” pahayag ni Ibay.

Kasabay ng paghingi ng tawad ng lola ni Lazaro ang pangako na hindi na mauulit pa ang nangyari.

Pinayuhan din ni Ibay ang lola at magulang na gabayan ang kanilang mga anak.
(Jocelyn Domenden/Andi Garcia)