Advertisers
BALIK na uli ang drive-thru vaccination sa kabisera ng bansa sa Lunes, Aug. 16, 2021.
Ito ang inanunsyo ni Manila Mayor Isko Moreno, kasabay ng panghihikayat niya sa lahat ng interesado na magpareserba na nang kanilang slots sa manilacovid19vaccine.ph, dahil tatagal ang vaccination hanggang Aug. 22 o sa loob ng isang linggo.
Ayon kay Moreno, ang bilang ng slots ay tumaas na sa 200, mula sa dating 100 nang ito ay ilunsad.
“You may schedule depending on your availability,” sabi ng alkalde at hinikayat niya rin ang mga motorista na magsama ng hanggang tatlo katao para eksaktong apat ( kabilang ang driver ng sasakyan) ang sama-samang mabakunahan.
Ipinaliwanag ni Moreno na isa lang ang kailangan na magpareserba ng slot pero lahat ng sakay ay dapat nakarehistro din at dapat na dala ang kanilang QR code para mabakunahan.
Muli ay pinaalalahanan nang alkalde na tanging mga four-wheeled vehicles lang ang pinapayagan sa drive-thru vaccination sa ngayon.
Pinasalamatan ni Moreno ang vaccinating teams sa ilalim ng Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRMMO) sa pamumuno ng director nitong si Arnel Angeles at ang Manila Health Department (MHD) sa ilalim ni Dr. Poks Pangan sa pagha-handle ng drive-thru mass vaccination program nang maayos.
May kabuuang 35,267 ang nabakunahan sa mga public school sites hanggang alas- 5 ng hapon nitong Aug.13 sa kabila na no walk-in policy ang pinaiiral at ‘strict scheduling’ ang ipinatutupad sa mga vaccination sites sa public schools.
Samantala ay inanunsyo ni Moreno na na ibinigay na ng national government sa Maynila ang kakulangan nitong P34 million para makumpleto na ang halagang kailangan para mabigyan lahat ng ayuda ang parehong dami ng bilang ng pamilya na nabigyan noon sa ilalim ng social amelioration program (SAP).
Pinasalamatan ng alkalde si Pang. Duterte, Defense Secretary Delfin Lorenzana, DILG Secretary Eduardo Ano at Social Welfare Secretary Rolando Bautista sa pagkukumpleto ng kabuuang halaga ng ayuda, dahil dito ay hindi na kailangan pang humagilap ng kailangang pondo ang Maynila.
Nabatid na tanging P1,488,630,000 ang halagang ipinadala sa Maynila ng DSWD kumpara sa P1,523,278,000 na ipinadala noong April. Dahil dito ay 8,662 pamilya ang hindi makakatanggap ng ayuda hindi tulad noong nakaraan kung saan lahat ng pamilya sa Maynila ay nakatanggap. Bunga nito ay pinakilos ni Moreno si Manila Department of Social Welfare (MDSW) chief Re Fugoso upang maghanap ng pondo upang mapunuan ang kakulangan.
“Hindi na magaabono ang Maynila dahil nagpadala na ang national government ng kulang nating P34 million mahigit. Pumasok na po ito sa account,” sabi ni Moreno.
Pinuri ni Moreno si Fugoso at ang lahat ng kawani sa ilalim ng MDSW dahil sa mabilis at maayos nitong pamamahagi ng nasabing ayuda. Nasa P304.3 million na ang nipamahagi sa loob ng tatlong araw. Mahigit 18,000 naman ang nakakuha ng kanilang ayuda sa unang araw habang 26,000 ang nakakuha sa ikalawang araw at mahigit 30,000 pamilya naman ang nakakuha sa loob ng ikatlong araw.
Sinabi ni Moreno na si Fugoso at ang kanyang team ay hindi magpapahinga at magpapatuloy sa pamamahagi ng ayuda kahit na weekend dahil hanggang 15-araw lamang ang ibinigay sa lahat ng siyudad sa National Capital Region (NCR) para tapusin ang trabaho.
Matatandaan na binigyan ng pagkilala ng DILG ang Maynila dahil sa mabilis at maayos na pamamahagi nito ng ayuda noong Mayo, kung saan tinapos ng Maynila ang pamamahagi nang maaga sa itinakdang deadline. (ANDI GARCIA)