Advertisers
INIREKLAMO sa tanggapan ni Philippine National Police (PNP) Chief, General Guillermo Eleazar, ang kawalan ng aksyon ni Quezon City Police District (QCPD) Director, Brig. Gen. Antonio C. Yarra, sa loob ng mahigit apat na araw na sapilitang pagpasok at pag-okupa ng armadong grupo na nagpanggap na SWAT sa isang pribadong lupa sa New Manila, Quezon City.
Sa panayam kay Atty. Levito Baligod, manugang ng may-ari ng 7 ektaryang lupa na pag-aari ni Marlina Veloso Galenzoga, binigyang-diin nito na hanggang sa kasalukuyan ay nagtataka sila sa kawalan ng aksyon at pag-iwas ni Yarra na aksyunan o harapin manlang sila, sa kabila ng kanilang pagsusumikap na makipag-ugnayan dito noong September 11, 2021.
“Nagtataka po ako sa QCPD, hindi manlang kami hinarap at inaksyunan, masyadong malamig po ang pakikitungo nila sa amin. Nagtungo ako sa Camp Karingal matapos magpaabot ng pakikipag-ugnayan sa kaniya, subalit narinig ko via handheld radio na ang instruction n’ya ay papuntahin nalang daw kami sa Station 11 sa Galas,” pahayag ni Atty. Baligod.
Batay sa impormasyong nakalap, naunang nagpanggap na mga pulis na may hinahabol na kriminal ang mga nakasuot ng uniporme ng SWAT nang makipag-usap sa mga guwardiya ng Black Knight Security Agency. Dahil nakiusap, pinahintulutang makapasok ang dalawa (2) sa mga kalalakihan. Subalit puwersahan nang pinasok ng tinatayang 70 katao na pawang armado ang pribadong lupa.
“Puwersahang kinuha ang mga personal na gamit, wallet, mobile phone, handheld radio at service firearms ng aming mga nakatalagang guwardiya. Pinagbantaan silang babarilin at ang iba sa kanila ay inapakan pa sa mukha,” sabi ni Atty. Baligod.
Dahil dito, inilapit ng mga biktima ang hinaing sa tanggapan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na mabilis namang umaksiyon.
Sa inisyal na resulta ng pag-atas ni Belmonte sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), PNP-Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (PNP-SOSIA) at QC Legal Office, nadiskubre na nasa 28 sa mga ginamit na baril ang loose firearms na posible nang maging batayan para sa warrantless arrest sa ilalim ng Republic Act 8294.
Kasabay nito, nanawagan si Atty. Baligod kay Eleazar na aksyonan ang pangyayari sapagkat naniniwala sila na nagamit ang mga pulis sa pagkomit ng krimen.
Nakikita natin ang pag-aksyon ni Chief PNP sa mga reklamo ng sambayanan. Naniniwala kami na tapat ang kaniyang hangarin na magpatupad ng internal cleansing sa hanay ng pulisya.
“Hindi ordinaryong krimen ang nangyari, armado, may karahasan at ang importanteng aksyunan n’ya ay mga pulis ang involve. Pinasok nila ang property namin, naka-uniporme ng SWAT at walang nameplate,” pagtatapos ni Baligod.