Advertisers
HALOS buong bansa ay naghigpit sa galawan ng mga tao bilang pag-iingat laban sa COVID-19, subalit ang isla ng Jumalig (Humalig) ay nabubulahaw ng mga pagsabog.., na kagagawan ng mga mangingisdang gamit ay dinamita sa panghuhuli ng mga isda sa mga baybayin.
Sa kabila ng mga nagaganap na illegal fishing ay mayroon namang nahuhuli sa mga ilegal na pangingisda tulad sa post ng LGU JOMALIG QUEZON ay nakasaad ang kanilang “Ulat Kaganapan, July 15, 2021, Sitio Moros, Jomalig Quezon:
Sa masigasig na hakbang ng inyong lingkod, Mayor RODEL T. ESPIRITU, Jomalig PNP-MPS Chief PLT Rowell Sarmiento at mga kapulisan, Gng. Elizabeth A. Eyatid, MAO at mga mapagmatyag na mamamayang lokal sa baybay dagat ng Jomalig, ay matagumpay na nahuli ang ilegal na pangingisda ng dayong buli-buli sa karagatang sakop ng Jomalig”.
Sa ilang impormante ng ARYA ay mga dayuhang mangingisda lamang na gumagamit ng ilegal na pamamaraan ng pangingisda, subalit may mga grupo umano ng mga mangingisda ang hinde hinuhuli kahit pa dumadagundong ang pagpapasabog ng mga dinamita.
Teka.., hinde ba ito nalalaman ni JOMALIG MAYOR ESPIRITU ang nagaganap na DYNAMITE FISHING sa baybayin ng kanilang isla?
Alam daw ng Pamahalaang Munisipalidad ng Jomalig ang mga nagsasagawa ng DYNAMITE FISHING.., maging ng kanilang LAW ENFORCERS ay alam daw ang mga nagsasagawa ng ILLEGAL FISHING.., yun nga lang ay hinde sinasawata dahil mga kapanalig daw ni MAYOR ESPIRITU at ang mga hinuhuli lamang daw ay ang mga hinde kapanalig.
Naku.., hanga pa naman ako sa mga nakikita kong fb post ng JOMALIG tulad noong August 23-25, 2021 na “Deputy Fish Warden Training/Pagsasanay ng mga Bantay Dagat” at nagsasaad na “Sa pagpupunyagi at pagsisikap ng Punong Bayan , Hon Rodel T. Espiritu at sa pamamagitan ng Tanggapan ng Pambayang Agrikultor, katuwang ang mga kawani mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, kasalukuyang ginaganap ang Pagsasanay ng mga Bantay Dagat na nagmula sa ibat ibang barangay. Layunin ng programang ito ay bigyang kaalaman ang mga Bantay Dagat upang maging epektibo sa pagpapatupad ng mga Batas Pangisdaan (RA 10654) at magkaroon ng masaganang biyaya ng karagatan para sa mga mamamayan ng Bayan ng Jomalig”.
Kung umiiral ang illegal fishing e tila PABALAT-BUNGA lamang ang mga ilang inaaresto at mga training sa pagiging mga BANTAY DAGAT o baka ang training ay para maging bantay o PROTECTOR ang mga ito sa mga kapanalig ng kanilang ALKALDE para sa pamamayagpag ng mga ka-ilegalan sa kanilang isla?
Pinapangarap ko pa namang sa darating na panahon.., kapag hinde na banta sa kalusugan ang COVID-19 ay makapamasyal sa JOMALIG kasama ng pamilya’t mga kaibigan para masilayan ang kagandahan ng isla lalo na ang mga ibinibidang magagandang beach resort base sa pagkukuwento ng marami kong mga kaibigang halos nakapagpapabalik-balik na riyan. Kaso, kung patuloy na mamayagpag ang DYNAMITE FISHING e baka puro wasak na mga coral ang makikita na lamang at mahing mga isda ay wala nang makita pa sa mga baybayin ng JOMALIG.
Hinde lamang yan ang posibleng maging epekto kundi ang kabuhayan mismo ng mga residente’t mga BEACH RESORT OWNER ay tuluyang babagsak kapag nasira ang kagandahan ng mga baybayin.., kaya naman, ang ARYA WISH ay dapat na magkaroon ng TUNAY at MAKATAONG PAMAHALAAN.., na walang sisinuhin o kinikilingan sa pagpapairal ng batas lalo pa’t maliit na munisipalidad ang JOMALIG na mayroong 5 BARANGAY at ang land area ay mahigit 5,000 ektarya lamang.
May ilang katao akong kakilala sa JOMALIG pero alumpihit akong tanungin sila hinggil sa DYNAMITE FISHING dahil kung tagasuporta sila sa kanilang MAYOR ay siguradong ipagkakaila.., o baka kaya naman ang impormasyong natatanggap ng ARYA ay baka panira sa kanilang PAMAHALAANG MUNISIPALIDAD dahil nalalapit na ang eleksiyon?
Sabagay, alam ng mga residente sa isla kung ano ang tunay na kaganapan sa kanilang lugar sa administrasyon ni MAYOR ESPIRITU.
Dapat lamang mapangalagaan ng mga kinauukulan ang kanilang mga natural environment para sa progresibong ikabubuhay ng JOMALIGANS…, siyempre pa, para makita rin ng inyong lingkod ang ipinagmamalaking tanawin sa isla, kapag pinalad na madayo ang JOMALIG ISLAND!
***
Kung may reaksiyon lalo na sa mga nakakanti ng ating kolum ay maaari po kayong mag-email sa corpuzirwin074@gmail.com o magtext lamang sa 09085841303 para sa inyo pong mga panig.