Advertisers
BUMABA pa sa less than 300 na lamang ang average na bilang ng mga bagong COVID-19 cases na naitala sa National Capital Region (NCR) at posible umanong pagsapit ng panahon ng Kapaskuhan ay higit pa itong bumaba sa less than 100 na lamang.
Batay sa ulat ng OCTA Research Group na ibinahagi ni Dr. Guido David sa kanyang Twitter account nitong Martes ng hapon, nabatid na ang mga bagong kaso ng COVID-19 sa NCR ay nasa average na 293 na lamang mula Nobyembre 16 hanggang 22.
Ayon kay David, ang huling pagkakataon na ang seven-day average sa rehiyon ay mas mababa sa 300 ay naitala pa noong Enero 2 hanggang 8, 2021.
Sinabi pa ni David na kung magtutuluy-tuloy ang kasalukuyang trend, ang seven-day average sa NCR ay posibleng maging mas mababa pa sa 200 sa unang linggo ng Disyembre at less than 100 na lamang pagsapit ng panahon ng Kapaskuhan.
Gayunman, sinabi ni David na upang mangyari ito at magtuluy-tuloy ang trend, ay dapat na ipagpatuloy ng publiko ang pagtalima sa minimum public health standards.
Samantala, iniulat din ni David na ang average daily attack rate (ADAR) sa NCR ay bumaba pa sa 2.07 per day per 100,000 individuals.
Nangangahulugan aniya ito na may average na dalawang katao ang nagpopositibo sa COVID-19 kada 100,000 katao sa rehiyon, kada araw.
Ang reproduction number naman ng COVID-19 sa NCR, o yaong bilang ng mga taong maaaring maihawa ng sakit ng isang pasyente ng virus, ay nasa 0.50 na lamang.
Nananatili naman ang positivity rate sa 2% habang ang healthcare utilization ay nananatili pa rin aniyang ‘very low’ sa 24% habang ang intensive care unit (ICU) occupancy ay nasa 31% na lamang. (Andi Garcia)