Advertisers
DAHIL sa nakitang umiinom ng alak ang general manager ng National Printing Office (NPO) sa virtual plenary deliberation, pinatigil ang pagdinig sa 2022 budget ng Presidential Communications Operations Office (PCOO).
Sa budget deliberations, napuna ng sergeant at arms sa monitor na umiinom ng alak si APO Printing Office General Manager Dominic Tajon na dumadalo sa hybrid na plenary session.
Nagalit ang mga senador sa umano’y kabastusan ni Tajon kaya nagmosyon si Minority leader Franklin Drilon at Majority leader Juan Miguel Zubiri at sinuspinde ang pagtalakay sa PCOO budget.
Bago ang suspensyon, tinatalakay nina Drilon at Sen. Richard Gordon ang panukalang budget ng PCOO kungsaan attached agency dito ang APO nang sumingit ang presiding officer na si Sen. Win Gatchalian at inihayag ang puna ng sergeant at arms na hindi maayos ang suot ni Tajon at galaw nang galaw kaya sila naguguluhan.
Sinabi pa ni Gatchalian na biglang nawala si Tajon sa monitor nang kanyang punahin, habang sinabi naman ni Drilon na nakita si Tajon na umiinom ng alak na kinumpirma ng Sgt. at Arms.
Ayon kay Gatchalian, bilang presiding officer, nasa plenary session ang Senado, dapat ayusin ang kilos at suot ng lahat ng dumadalo kahit pa virtual ito.
Ayon kay Drilon, sa tagal niyang senador ngayon lang siya nakakita ng ganito kawalang-galang sa Senado at umiinom habang nasa sesyon.
Kaugnay nito, humingi ng tawad sa Senado ang PCOO kaugnay sa ‘di magandang asal na ipinakita ni Tajon.
“Our apologies to the Senate. In this juncture, we reflect our sincere assurance that any such behavior that shows discourtesy will never be deliberately observed by any of our personnel in any situation as it is detrimental to PCOO, its attached agencies, our core values and government partners,” pahayag ni PCOO Secretary Martin Andanar sa isang liham.
“We are now conducting an investigation into the display of inappropriate attire and the claim that he was imbibing during the session in order to provide clarification,” saad pa sa liham ni Andanar na binasa sa Senado.
“Should he be found culpable of any wrongdoing, we will enforce pertinent disciplinary actions to Apo Marketing Unit Incorporated sales and marketing manager Dominic Tajon,” wika pa nito.