Advertisers
SINIBAK ang tatlong hepe ng General Santos City Police Office (GSCPO) sa kanilang pwesto dahil sa kapabayaan sa serbisyo.
Ang hakbang ay matapos na magsagawa ng sorpresang pagbisita si Brigadier General Alexander Tagum, direktor ng Police Regional Office XII, sa mga presintong kanyang nasasakupan noong Nobyembre 18.
Tinukoy na dahilan ni Tagum ang pag-absent sa duty ng mga hepe at kulang ang police personnel na naka-duty sa kanilang presinto.
Ang mga sinibak sa pwesto ay sina Major Rommel Constantino ng Police Station 1, Major Yol Hilado ng Police Station 3, at Captain Abdulsalam Mamalinta ng Police Station 4.
Inilipat ang mga ito sa bagong assignment na hindi pa tinukoy ng mga awtoridad.
Nagbabala si Tagum sa iba pang station commander na nagpapabaya sa kanilang mga tungkulin. Patuloy aniya siyang magsasagawa ng mga sorpresang inspeksyon.