Advertisers
MARAMING pabahay sa mahihirap sa Baseco, Tondo at Binondo; mabilis na konstruksiyon ng isang modernong ospital para sa COVID-19, isang bagong Ospital ng Maynila; pagbibigay ng libreng Remdisivir at Tocilizumab at antigen testing na panlaban sa coronavirus at tuloy-tuloy na kaloob na ayuda sa mamamayan.
Nagawa ito ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso, kandidatong pangulo ng Aksiyon Demokratiko sa kabila ng perwisyong dala ng pandemyang COVID-19.
Naniniwala si Yorme Isko na kung ano ang ginawa niya sa Maynila, magagawa rin niya sa buong bansa sa “Bilis Kilos” na programa na itatatag niya kung siya na ang pangulo sa 2022.
“Nasa pandemya tayo. Ang buhay at kinabukasan ng tao ang nakasalalay. Kaya naisip ko na kung ano ang ginawa natin sa Maynila, ganun din ang gagawin natin sa buong bansa,” sabi ni Yorme Isko dahil ipararamdam niya sa tao ang isang mapagmalasakit na gobyerno.
Uunahin niya na palakasihin at pabilisin ang serbisyong medikal sa bansa laban sa pandemyang COVID-19, paliwag ni Yorme Isko sa ginanap na forum ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI).
Sabi pa ng alkalde ng Maynila, agad din siyang kikilos upang maibalik ang sigla at mabuhay ang maliliit na industriya upang makalikha ng maraming trabaho at hanapbuhay sa mamamayang Pilipino.
“Iuukol ko ang unang dalawang taon upang maisaayos ang ating health system upang malabanan natin ang pandemya. Kailangang handa lagi tayo laban sa anomang pagkakasakit, dapat lagi tayong handa anoman ang mangyari, at gagawin ito habang sinisikap nating maibangon at mapalakas ang ekonomya, ang makalikha ng maraming trabaho, makalikha tayo ng maraming negosyo at pagkakataon na magkaroon ng ikabubuhay ang bawat pamilyang Pilipino,” sabi ni Yorme Isko.
Higit na panahon ang uubusin ng kanyang gobyerno, sabi ni Yorme Isko, upang mapalawak at mapalakas ang edukasyon, kalusugan, pabahay, at hanapbuhay.
Lilikha at magtatayo ng maraming pasilidad sa kalusugan ang kanyang gobyerno, pangako ni Yorme Isko, at lulutasin ang mga problema sa malnutrisyon at kalusugan sa isip ng mamamayan.
“Pagbubutihin natin ang technical at vocational courses at aagapay at aangkop tayo sa makabagong teknolohiya tulad ng robotics, automation at sa paglikha ng artificial intelligence models,” sabi ni Yorme Isko.
Tulad ng ginawa niya sa Maynila, mas malaking suporta para matamo ang mahusay na edukasyon sa pamamahagi ng libreng tablets at libreng bandwidth, iba pang gamit sa paaralan at mga COVID hygiene kits para sa mga estudyante at guro ng mga paaralang publiko sa buong bansa.
Upang makahabol sa mabilis paglago ng kaalaman, itataguyod ng kanyang pamahalaan ang science, technology, engineering and mathematics (STEM) program, sabi pa ng 47-anyos na kandidatong pangulo.
“Sa STEM, magagawa nating makahabol at makasabay sa mabilis na takbo ng siyensiya sa mundo,” sabi ng alkalde ng Maynila.
Ipopokus niya, sabi ni Yorme Isko ang pagtatayo ng maraming pabahay sa mahihirap na siyang bagong anyo ng “Build, Build, Build (BBB) program” ng kanyang pamahalaan.
Mabubuhay nang marangal at may dignidad kung may sariling bahay at disenteng hanapbuhay ang maraming mahihirap na pamilyang Pilipino.
Upang mapagaang ang buhay at kabuhayan, gagawin niya ang lahat, pangako ni Isko, na mabawasan ang buwis sa produktong langis at elektrisidad.
Ipinaliwanag ni Yorme Isko na malaking lugi sa gobyerno ang pagkaltas sa buwis sa elektrisidad at petrolyo, pero ito naman ay magpapagaang ng buhay ng tao.
“Ang matitipid sa pagbawas sa bayarin sa koryente at langis ay dagdag na pambili ng pagkain, ng gamot at ng iba pang kailangan ng bawat pamilya. Ang pagkatalo ng gobyerno ay may kapalit, at ito ay panalo ang taumbayan, at iyan ang pinakamahalaga, ang buhay at kabuhayan ng bawat pamilyang Pilipino,” sabi ni Yorme Isko.