Advertisers

Advertisers

HINDI AKO NAGPUPUTOL NG PUNONGKAHOY, ‘I PLANT TREES’! : YORME ISKO

0 291

Advertisers

MARIING pinabulaanan ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso ang paratang sa isang Facebook post na nagpuputol siya ng mga puno sa Arroceros Park sa siyudad.

“It’s a blatant lie. I don’t cut trees, I plant trees!” sabi ng alkalde sa miting ng ilang environmental group na binisita siya sa cityhall kamakailan.

Sa harap ng mga opisyal ng Winner Foundation – na binubuo ng ilang environmental group–, ipinahayag ng alkalde na nakikiisa siya sa adhikain ng mga ito na ipagmalasakit at pangalagaan ang mahigit sa 3000 punongkahoy sa tanyag na kagubatan sa lungsod ng Maynila.



Tama, sabi ni Yorme Isko na sabihing “baga” ng Inang Kalikasan ang mga punongkahoy dahil naglalabas ito ng oxygen na kailangan ng buhay ng tao.

“Natutuwa ako sa ating mga partners, Winners Foundation, and all other environmentalists, who took time to visit us and talk to us and show them ‘yung development ng Arroceros Park,”sabi ni Yorme Isko.

Idinugtong ng alkalde na isang protektadong kagubatan ang parke at patuloy itong pinangangalaan at pinaparami pa ang mga punongkahoy sa loob ng Arroceros Park para mapakinabangan ng susunod na henerasyon ng Batang Maynila.

“… we wanted to develop that, making it bigger, more open green spaces, and maayos ‘yung seclusion para the next generation ng Batang Maynila, meron silang protected park or the ‘last lung’ of the city,” sabi ni Yorme Isko sa Winner Foundation.

Bukod sa Winner Foundation, sumaksi sa miting ang Manila Doctors, Wild Bird Club of the Philippines, Pamanlahi, Center for Energy, Ecology and Development, Earth Island Institute and Renacimiento Manila at The Climate Reality Project Philippines.



Ayon sa alkalde, ikinagulat niya ang Facebook post ni Ms. Bea Dolores na siya umano ay nagpuputol ng mga puno sa Arroceros Park.

“… I did not cut any trees and I hope you give me a chance today to explain everything,” sabi ni Yorme Isko.

Matapos ang miting, kasama si City Architect Dennis Lacuna, pinakita sa Winner Foundation ang isinasagawang pagpapaganda at pagsasaayos sa Arroceros Park nang walang pinsalang mangyayari sa kalikasan.

May lawak na 2.2 ektarya, nakatanim sa parke ang mahigit sa 3,000 iba’t ibang klase ng punongkahoy, mahigit na 8,000 halaman at tirahan ng mahigit sa 10 klase ng ibon.

Ang parke ay mayroong palaruan ng mga bata, publikong kubeta, water fountain, mga nakabibighaning pailaw at mga sementadong daan at bangketa na lalakaran ng mga mamamasyal.

Ipinangako ni Yorme Isko sa mga environmentalist na patuloy ang ginagawang pagpapaganda at pangangalaga sa kagubatan upang ito ay maaliw at masiyahan ang mga tao sa maberdeng paligid at sariwang hangin sa loob ng Arroceros Park.

Noong Pebrero 20, sa bisa ng Ordinance No. 8607 na pinirmahan ni Yorme Isko, opisyal na idineklara na isang “permanent forest park” ang Arroceros Park.