Advertisers
DINAKIP ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang kawani ng Bureau of Internal Revenue dahil sa pangongotong sa isang negosyante.
Ang dinakip ay nakilalang si Cynthia Nones.
Ayon kay NBI Officer-in-Charge Director Eric Distor, naaresto si Nones sa tapat mismo ng gusali ng BIR sa Bantay, Ilocos Sur.
Sa ulat, nagreklamo sa NBI ang isang biktima ni Nones na ayaw magpabanggit ng pangalan na pilit siyang hinihingan ng P150,000 na pambayad sa buwis.
Inisyal na P300,000 ang naging komputasyon ni Nones sa kaniyang tax liability ngunit nang ipina-break down niya ito ay lumalabas na P150,000 lamang ang kaniyang dapat bayaran.
Hiniling din ng biktima na ipa-breakdown ang nalalabing P150,000, ngunit sinabi ni Nones na hindi ito lilitaw dahil ito raw ang gastos nila sa pagproseso ng dokumento ng biktima at bayad sa kanila para maibaba ang kaniyang tax liability.
Dahil dito, nagbayad lamang ang biktima ng P150,000 ngunit patuloy na iginiit ng suspek na kailangan pa itong magbigay ng P150,000, kaya nagreklamo na ang biktima sa NBI-Vigan District Office.
Inilatag ang entrapment operation laban kay Nones na nagresulta ng kanyang pagkakadakip.(Jocelyn Domenden)