Advertisers
SINAMPAHAN ng kasong murder ang 17 pulis na may kaugnayan sa pagpatay sa labor leader na si Emmanuel ‘Manny’ Asuncion noong Marso.
Ang pagsasampa ng kaso ay base sa rekomendasyon ng Department of Justice (DOJ).
“In the case of the death of Asuncion, the AO 35 Special Investigating Team (SIT) has recommended the filing of murder charges against certain law enforcement agents involved in the incident,” pahayag ni DOJ Secretary Menardo Guevarra sa isang Viber message.
Si Asuncion ay isa sa siyam na aktibista na napatay sa raid ng mga pulis sa Calabarzon noong Marso 7. Siya ay provincial coordinator ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at tubong Cavite.
Sa pagkapatay sa kanya, nagsampa ng reklamo sa Office of the City Prosecutor sa Dasmariñas City ang kanyang misis na si Liezl.
Sa Enero 2022 magsisimula ang preliminary hearing sa kaso laban sa 17 pulis.
Inaasahan ni Guevarra na ilalabas din ng SIT ang resulta ng imbestigasyon sa walo pang biktima ng nasabing raid.
Ang mga pulis na nadidiin sa reklamo ng asawa ni Asuncion ay sina Lieutenants Elbert Santos at Shay Jed Sapitula, Senior Master Sgt. Hector Cardinales, Master Sgt. Ariel dela Cruz, Staff Sgt. Joemark Sajul at Corporals Ernie Ambuyoc, Mark John Defiesta, Arjay Garcia, Caidar Dimaculangan, Bryan Sanchez at Ericson Lucido.
Kasama rin nila ang mga Patrolman na sina Jayson Maala, Juanito Plite, Jonathan Tatel, Prince Benjamin Torres, Jaime Turingan at Lopera Rey PJ Dacara.