Advertisers
WALANG masama kung umasa si Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso sa paghingi ng suporta sa kanyang kandidatura sa pagka-pangulo at mapagkumbabang tatanggapin at labis na ikatutuwa kung siya ay iendorso ni Presidente Rodrigo Roa Duterte.
“Natural lang iyon kasi bukas lagi si Yorme Isko na tanggapin ang sinomang nais na suportahan siya, lantaran naman siyang humingi ng tulong sa lahat,” sabi ni political strategist at Team Isko Campaign chief Lito Banayo.
“When he speaks in big crowds, he keeps asking people to help him because he needs help. And so, if you are asking people for votes, who are you to deny asking the President himself if he wants to endorse you, in the absence of Bong Go,” paliwanag ni Banayo sa interbyu ng programang “The Chiefs” ng nakaraang linggo.
Hindi totoo ang paratang ng mga kritiko ni Isko na siya ay ang “sekretong kandidato” ni Duterte.
“In the first place, noong nagdeklara si Yorme Isko na tatakbo siyang presidente, he never categorized himself as part of the opposition nor the administration. He was running basically as a candidate who wants to help the people and present his platform to the people, his policies, advocacies,” sabi ni Banayo.
Mali ang paratang ng mga kritiko dahil kailanman, hindi naging kandidato ng administrasyon si Yorme Isko, ito ay kahit na ngayon, biglang nawalan ng kandidato si Pangulong Duterte, paliwanag pa ni Banayo.
Kamakailan, nagdeklara si Sen. Christopher ‘Bong’ Go na iniaatras niya ang kandidatura niya sa pagka-pangulo.
Matatandaan na bago matapos ang araw ng substitution ng mga kandidato para sa May 2022, ilang ulit na sinabi ng Pangulo na nais niyang tumakbong presidente ang kanyang anak, si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
Sa halip, tumakbong katiket si Mayor Sara na pangalawang pangulo ni dating Sen. Bongbong Marcos Jr.
Sa pag-atras ni Go, sinabi ni Banayo na ilang lider ng PDP-Laban ang tumatawag upang sumama sa kampo ng Team Isko.
“I have to be honest in admitting na marami-rami namang PDP-Laban leaders and stalwarts ang tumatawag at nagsasabi na they are going to switch to us, to Yorme Isko, since their favored candidate is now out in the running,” sabi ni Banayo.
Ito naman ay natural lang sa politika, aniya, lalo na ang sumama sa mga kandidato na malaki ang tsansa na manalo.
Sabi ni Banayo, mangyayari ang lipatan ng mga lider, at posibleng nangyayari rin iyan sa kampo ni Senador Ping Lacson, kay Senador Manny Pacquiao.
“You never can tell,”sabi ni Banayo, at laging may posibilidad na magdesisyon si Pangulong Dutertena mag-endorso sa susuportahan niyang kandidato sa pagka-pangulo.
“Pwede namang hindi na siya mag endorse, or he will just endorse Inday Sara for vice president,” sabi ni Banayo.
Anoman ang mangyari, sinabi ni Banayo na nakatutok at lagi lang silang nakapokus sa kampanya upang ihatid sa publiko ang matapat, malinis at mapagkakatiwalaang programa ng gobyernong Moreno kung suwertehing manalo sa Mayo 2022.
“So, para kay Yorme Isko Moreno, you just have to focus on the campaign ahead. You move around the country, you talk to the people, listen to the people as many as you can, bahala na ang taong mag-judge,” sabi ni Banayo.
Sa huli, aniya, tanging ang taumbayan ang sa huli ay magpapasiya kung sino ang mas karapatdapat na mamuno sa bansa sa susunod na anim na taon.