Advertisers
NASAWI ang isang babaeng guro nang barilin mismo sa harapan ng kanilang bahay sa Amadeo, Cavite nitong Miyerkoles.
Kinilala ang biktimang si Normita Bautista, 58 anyos, ng Barangay Salaban, Amadeo.
Nadakip naman ang mga suspek sa dragnet operation 10:30 ng gabi sa isang bahay sa Brgy. Lalaan 2nd, Silang, Cavite na sina Ananda Siresena Karunasinghe, 59; Sri Lankan na di-umano’y inupahang gunman ni Celina De Luna, 51, dating guro; Antonio Romeroso, 53; Benidic Cabasi, 43; at Mark Romeroso, 21, pawang residente ng Purok 3 Brgy. Lalaan 2nd sa Silang.
Sa ulat ni Police SSgt. Arvin Balbuena ng Amadeo Police Station, nakatayo ang biktima sa harapan ng kanilang bahay 12:10 ng hapon nang barilin. Tumakas ang salarin sakay ng isang kulay neon green na motorsiklo pero nasira ang sasakyan hindi kalayuan sa pinangyarihan ng insidente kaya iniwan na lamang nito saka tumakas.
Ayon pa kay Balbuena, hindi agad umandar ang motorsiklo ng salarin kaya nagkaroon ng pagkakataon ang kapitbahay na nakasaksi sa krimen na i-video ang salarin at nakunan ang get-away vehicle at suot nito.
Nakipag-ugnayan ang Amadeo Police sa dealer ng motorsiklo at dito nalaman na naibenta ang motorsiklo sa gunman isang araw bago ang pagpatay kaya pinaniniwalaang planado ang krimen.
Sa imbestigasyon, napag-alaman na nagalit ang biktima nang malamang ibinenta ng kaniyang dating co-teacher na si De Luna ang kaniyang bahay na pinapaupahan lang niya rito at hindi malaman kung paano itong naibenta.
Narekober sa mga salarin ang isang 1911 caliber .45, tatlong magazine ng kalibre .45 na may lamang bala, shotgun na may 12 bala, M16 riffle at isang kulay grey na Adidas Hoodie jacket.(Irine Gascon)