Advertisers
UMAABOT na ngayon sa mahigit 208,000 ang mga aktibong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.
Ito’y matapos na makapagtala pa ang Department of Health (DOH) nitong Miyerkules, Enero 12, ng 32,246 bagong kaso ng COVID-19.
Batay sa case bulletin #669 na inisyu ng DOH, nabatid na umaabot na ngayon sa 3,058,634 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas.
Sa naturang bilang, 6.8% pa o 208,164 ang aktibong kaso o nagpapagaling pa mula sa karamdaman.
Sa mga aktibong kaso, 197,091 ang mild cases; 6,435 ang asymptomatic; 2,872 ang moderate cases; 1,468 ang severe cases; at 298 ang kritikal.
Nakapagtala rin naman ang DOH ng 5,063 bagong gumaling sa sakit, sanhi upang umabot na sa 2,797,816 ang total COVID-19 recoveries sa bansa o 91.5% ng total cases.
Nasa 144 naman ang iniulat na namatay sa karamdaman nitong Miyerkules. Sa ngayon, ang Pilipinas ay nakapagtala na ng 52,654 total COVID-19 deaths o 1.72% ng total cases. (Andi Garcia/Jocelyn Domenden)