“Pag masyadong mura, magtaka. ‘Di lahat ng mura mabisa” – Isko
Advertisers
“PAG masyadong mura, magtaka. Hindi lahat ng mura mabisa.”
Ito ang babalang ibinigay ni Manila Mayor at Aksyon Demokratiko presidential bet Isko Moreno sa publiko kasabay ng pagtitiyak niya na silang dalawa ni Vice Mayor Honey Lacuna ay patuloy na mangangalaga sa kapakanan ng Manileño at sinigurado rin nito na “may gobyerno sa Maynila.”
Nanawagan din si Moreno sa publiko na i-report sa kanyang tanggapan ang sinumang may kaugnayan sa paggawa at pagbebenta ng mga fake drugs, at pinayuhan din niya ang publiko na sa legitimate sources at official websites lang bumili ng mga gamot.
Ang pahayag na ito ni Moreno ay naganap makaraang ipag-utos niya ang pagpapasara ng isang warehouse na sangkot sa bentahan ng P1.8 million halaga ng fake drugs na ginagamit sa mga may mild symptomatic COVID na pasyente.
Agad na inutusan ni Moreno si bureau of permits and licensing office Levi Facundo na isara ang bodega na nasa kanto ng Bangbang at Yakal Streets sa Sta. Cruz, Manila matapos maaresto ang fake drugs’ online seller na isang 29-anyos na babae ng joint team sa pangunguna ni Facundo.
Sinabi pa ng alkalde na ang operasyon ay nag-ugat sa isang impormasyon na natanggap ng kanyang tanggapan mula sa isang concerned citizen kaugnay nang malawakang bentahan ng fake drugs sa online.
Dahil dito ay nagsagawa joint investigation at operation na nagresulta sa pagkakakumpiska nang may 18,000 tablets ng anti-flu medicines, partikular na ang paracetamol, isang kahon ng cold tablets at dalawang kahon ng rapid antigen test kits.
Sa order pa rin ng alkalde ay sinabi ni Facundo na nasampahan na ng kaukulang kaso ang suspek kabilang na ang : violation of of RA 8203 (Special.Law o Counterfeit Drugs), RA 7394 (The Consumer Act of the Philippines), RA 9711 ( Food and Drugs Administration Act of 2009) at Manila City Ordinance No. 8331( Omnibus Revenue Code for operating without business permit).
Labis na ikinalungkot ni Moreno na may mga tiwaling indibidwal na nagsasamantala sa mga taong ang gusto lamang ay bumuti o gumaling sa kanilang karamdaman.
Mas higit na kasuklam-suklam, ayon pa kay Moreno ang mga taong nagbebenta ng fake anti-flu drugs sa online at itinaon pa nila ito sa pagkakaroon ng shortage ng mga gamot sa kasagsagan ng Omicron cases dahil sa katatapos na holidays.
“Walang masamang kumita pero hindi yung makakaperwisyo ka sa kapwa . ‘Yung wala kang inaapakang likod o wala kang inaapakang paa,” sabi ni Moreno.
Naalala ni Moreno na noong ilang buwan pa lamang siya bilang alkalde ay mayroon silang sinalakay na warehouse na nagbebenta ng fake branded beauty at bath products sa halagang ubod ng mura. (ANDI GARCIA)