Advertisers
INSPIRASYON SA BUHAY: “… Ang pagiging matuwid ay nagpapadakila sa isang bayan, ngunit ang kasalanan ay nagdudulot naman ng kahihiyan…” (Mga Kawikaan 14:34, Ang Tanging Daan Bibliya).
-ooo-
PANAHON NA UPANG MGA MATUWID AT MAY PAG-IBIG AT TAKOT SA DIYOS ANG IHAHAL NG MGA PILIPINO SA HALALAN 2022: Panahon na upang ang bansang Pilipinas ay pamunuan at pamahalaan ng mga pinunong matuwid sa puso at isip, may takot at pag-ibig sa Diyos at ayaw ng tiwaling pera, upang ang yamang ipinagkaloob ng Diyos sa Sambayang Pilipino ay lubos ng dumaloy at kanilang matamasa.
Ito ang nagkakaisang paniniwalang inihayag noong Huwebes, Enero 20, 2022, ng mga lider ng iba’t ibang pananampalatayang Kristiyano matapos silang sabay-sabay manumpa ng katapatan sa layunin at mga hakbangin ng grupong kinikilala na ngayon bilang Kilusan ng Mamamayan para sa Matuwid na Bayan, o KMMB.
Kinilala ng mga kasama sa online oathtaking ang katotohanan ng ipinahayag ni dating US President George W. Bush noong siya pa ay nakaluklok bilang pangulo na pinaka-mayaman ang Pilipinas sa lahat ng mga bansa sa mundo dahil mayroon itong “GOD”— o “gold”, “oil” at “deuterium”, o mineral mula sa dagat na pupuwedeng gamitin parang gasoline.
Naniniwala din ang mga nanumpa noong Huwebes na ang dahilan kaya hindi pa tinatamasa ng mga Pilipino ang mga yamang ito na mula sa Diyos ay ang patuloy na katiwalian ng maraming mga pinuno, at ang patuloy na pagsamba ng bayan sa mga diyus-diyusan.
-ooo-
PILIPINAS, PINAKAMAYAMAN SA LAHAT NG MGA BANSA PERO DI NATATAMASA NG MGA PILIPINO ANG BIYAYA NG MABUTING BUHAY: Pinamunuan ang panunumpa ng katapatan nina retired Sandiganbayan Justice Raoul V. Victorino, na ngayon ay chairman ng United Christian Party, o UCP; United Methodist Church Bishop Rudy Juan, ang second nominee ng Peace Party List na Numero 53 sa official ballot ng Commission On Elections, Pastor Jojo Gonzales ng Capitol Christian Leadership, at Dr. Leah Samaco-Paquiz at Atty. Faith Paquiz, ng Ang Nars Party List.
Kasama sa mga nanumpa sina media expert Rod Cornejo; Dr. Samuel Garcia ng Cagayan Province; Pastor Rudy Corgado ng One Vote Our Hope Movement; Pastora Aida Rabang, ang vice leader disciple ng Simbahang Anak Ng Diyos Kadugo Ni Kristo (AND KNK); Brother Alberto Ferrer Jr..
Nanumpa din sina IT expert Michael Locaylocay; Sister Marissa Miranda ng Caloocan City; Pastor Emmanuel Aragon; at active PNP General Lucrecio Guerra Pingkian, ng Moral Recovery Program Movement. Ang inyong lingkod, si Atty. Batas Mauricio, ay kasama din sa mga nanumpa kahapon, at siyang kasalukuyang namumuno ng secretariat ng Kilusan.
Naririto po ang panunumpa sa tungkulin ng Kilusan: “Ako, si (pangalan) kasalukuyang nagsisilbi sa Panginoong Jesus bilang (posisyon o katayuan) ng Simbahang (pangalan ng grupo) ay taimtim at buong katapatang nakikisa, kusang loob at buong unawa, sa layunin at mga landasin ng kilusan ng mamamayan para sa matuwid na bayan na nakatala sa terms of cooperation ng kilusan.
“Nanunumpa din ako na ako ay tatalima at susunod ng walang bahid pagbabantulot o pag-aalinlangan, o di kaya ay pag-iimbot, sa mga hakbanging mapapagkasunduan ng higit na nakakarami sa kilusan, upang magtagumpay ang mga hakbanging ito. Kasihan nawa ako ng Diyos sa panunumpang ito.”
-ooo-
KILUSAN NG MAMAMAYAN PARA SA MATUWID NA BAYAN, ISUSULONG ANG MGA TAO NA TUNAY NA NANANAMPALATAYA SA DIYOS SA HALALAN 2022, AT SAS PAGTATALAGA SA KANILA SA PUWESTO: Ipinahayag ni Pastor Jojo Gonzales na ang iba pang mga namumuno ng kanilang mga grupo sa pananampalataya sa ibang mga lugar ng Pilipinas, anuman ang kanilang pananaw sa Diyos, ay maaaring maging bahagi pa din ng Kilusan, kung kasama sa kanilang pinanampalatayaan ang pagiging matuwid ng kanilang mga kasapi sa harap ng Diyos.
Sa ngayon, tumatanggap na ang Kilusan, batay sa kaniyang mandato sa nilagdaang kasunduan ng mga kasapi na tinatawag na mga “convenors”, ng mga pangalang isasaalang-alang nito sa mga pangalang irerekomenda ng Kilusan sa Pangulong Duterte upang maging isa sa mga iluluklok na commissioner ng Comelec.
Tatlo kasi ang nakatakdang mabakante sa posisyon ng commissioners ng poll body sa darating na Pebrero. Magreretiro na sa susunod na buwan sina Chairman Sherif Abas, Commissioner Rowena Guanzon, at Commissioner Antonio Kho. Sa panuntunan ng Kilusan, mapipili ang mga “convenors” ng mga tao na kanilang ipapanukala sa Pangulong Duterte upang maging commissioners ng Comelec.
Sa ngayon, may limang pangalan na ang naisumite sa Kilusan—sina dating Court of Appeals Justice Eligio Ybanez na dati ding AFP general; kasalukuyang Regional Trial Court Judge Ferdinand Rafanan; dating Comelec whistleblower Atty. Melchor Magdamo, Atty. Faith Paquiz ng Ang Nars Party List; at IT expert Nelson Celis.
-ooo-
MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas, www.facebook.com/attybatas, www.facebook.com/radyopilipino, YouTube.com/kakampimoangbatas, Radyo Pilipino stations nationwide, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Sunrise News network, PowerNews Broadcasting Network, 95.5. J FM network.