Advertisers
NAGA CITY- Tatlo ang patay nang mauwi sa barilan ang operasyon ng PNP laban sa mga notoryus na mga magnanakaw ng kalabaw sa Goa, Camarines Sur.
Kinilala ang mga nasawi na sina Jemuel Rodriguez y Cañezo; Jupiter Brebon at si alyas Junior Panuelos, mga residente ng Brgy. Old Moriones, Ocampo, Camarines Sur.
Ayon sa PNP Bicol ito ay bunsod ng sunod-sunod na report sa pagkawala ng mga alagang hayop partikular na ang kalabaw na kalimitang katuwang sa agrikultura ng mga residente ng Camarines Sur, inilunsad ng pulisya ng Camarines Sur Police Provincial Office ang COPLAN 2022-20 CARNAGE para sa paglabag sa Anti-Cattle Rustling Law.
Kaugnay nito 3:30 ng umaga, nitong Biyernes Enero 28, 2022 isang intel-driven operation ang initalag ng pinagsamang operatiba ng PIU CSPPO, Goa MPS, Ocampo MPS, Iriga City MPS at 2nd CSPMFC sa Brgy. Pinaglabanan, Goa Camarines Sur matapos na makatanggap ng impormasyon mula sa isang mamamayan tungkol sa transportasyon ng mga nakaw na kalabaw.
Dahil dito, agarang nagtungo ang mga operatiba sa nasabing lugar at doon nila nakita ang apat na kalabaw na isinasakay ng mga suspek sa green at gray na close van at ng kanilang sitahin ay agad silang pinaputokan ng mga suspek. Nagkaroon ng palitan ng mga putok na nagresulta sa pagkakasawi ng tatlo sa grupo habang ang apat pa nitong mga kasamahan ang mabilis na nakatakas.
Sa pagnanais na maaresto ang mga nakatakas na suspek, mabilis na nagkasa ng hot pursuit operation ang iba pang tauhan ng naturang unit na nag resulta sa pagkakahuli sa isa pang suspek matapos na makatanggap ng tawag ang himpilan ng Goa MPS sa umano’y sugatang lalaki na nakita sa Brgy. Cagaycay, Goa. Kaya ang nabanggit na himpilan ay agarang rumisponde sa lugar at nakumpirma na ang sugatang lalaki ay isa sa mga sangkot sa krimen na kinilalang si Tomas Panuelos y Colis, 31 anyos na nakatira sa Zone 4 Brgy Poblacion, Ocampo.
Isa naman mula sa mga operatiba ng PNP ang nasugatan matapos na magtamo ng daplis na tama ng bala sa hita at sa kanyang kamay, kinilalang si PSMS Reuben Pesigan Jr.
Samantala tatlo pa ang patuloy ng pinaghahanap na suspek ng mga otoridad na sina Jobert Fedelino, itinuturing na lider ng grupo, tubong Ocampo, Camarines Sur; isang alyas Criz residente ng Tigaon; at si alyas Bryan na taga Rinconada area.
Kinilala naman ni PNP Regional Director PBGEN Jonnel Estomo ang mga nanguna sa matagumpay na operasyon at mga mamamayang nagpaabot ng impormasyon.
Ayon kay PLT Rolly Nebran , Deputy Chief of Police ng Goa MPS, na ang mga suspek ay notoryus sa pagnanakaw ng mga kalabaw at baka na nag-o-operate sa buong Camarines Sur.