Advertisers
MAY maasahan nang kasangga at kakampi ang mga ‘No Pay, No Work’ employees at iba pang arawang trabahador na unang-unang naapektuhan ng lockdown o krisis sa ekonomya.
“Ang inyong kapakanan at karapatan ang mga batas na aming isusulong sa Kongreso kung magwagi sa halalan sa Mayo 2022,” sabi ni Brian Yamsuan, 1st nominee ng LUNAS Partylist.
Pinansin ni Yamsuan, dating deputy secretary general sa panahon ni dating Speaker Alan Peter Cayetano, na libo-libong trabahador sa industriya ng pelikula, musika, radyo at telebisyon ang unang nagugutom tuwing may lockdown.
“Pag isinara ang sinehan, pub at bars, amusement parks at concert halls, wala silang mauuwing pera sa kanilang pamilya, at ano ang masamang epekto? Walang pambili ng pagkain, gutom ang kanilang pamilya,” sabi ni Yamsuan.
Marami sa ‘No Work, No Pay Employees’ ay walang inaasahang benepisyo, hindi miyembro ng SSS tulad ng ibang kawani sa pribadong kompanya.
“Ngayong pandemya, mahirap makakuha ng bagong trabaho at wala silang matatakbuhan sa panahon ng emergency, talagang kaawa-awa ang kanilang kalagayan, at ito ang hahanapan natin ng LUNAS sa Kongreso,” sabi ni Yamsuan.
Dahil dating deputy secretary general sa Kamara, alam ni Yamsuan ang proseso kung paano mabilis na maitutulak ang mga panukalang batas para malunasan ang mga problema ng karaniwang manggawa.
Ayon kay Yamsuan, isa sa dapat ipasa sa Kongreso ay batas na obligadong mag-uutos sa mga employer na magbigay agad ng financial assistance, mabilis na serbisyong medikal at iba pang tulong sa contractual worker sa pelikula, radyo, telebisyon at teatro.
Kumikita ng milyon-milyong piso ang may-ari ng mga indjustriyang ito pero hindi sila nabibiyayaan sa panahon ng kagipitan.
“Sila ang mga manggagawa na naiiwan sa ere kapag may lockdown. Kailangan nila ng emergency response, lalo na yung mga ‘no work, no pay o arawang employee. Kailangan nila ng batas na poprotekta sa kanila, sa panahon ng kagipitan,” paliwanag ni Yamsuan.
Marami sa arawang trabahador na kasama sa sektor ng ‘no work, no pay’ ay mga cook, waiter, construction worker, manikurista, tindera at iba na “umuuwing luhaan, gutom at walang mahingian ng tulong kapag may lockdown o krisis.
“Ang problema nila ay problema rin namin na ating hahanapan ng lunas,” sabi ni LUNAS partylist first nominee Yamsuan.