Advertisers
NANINIWALA si Health Secretary Francisco Duque III na ‘hinog’ na ang National Capital Region (NCR) upang maisailalim sa Alert Level 1 sa COVID-19, na siyang pinakamaluwag sa umiiral na bagong alert level system, kung ang pagbabasehan ay ang mga kasalukuyang panukatan.
Ayon kay Duque, pinag-usapan ng Inter Agency Task Force (IATF) nitong Huwebes ng hapon kung maaari nang ibaba sa Alert Level 1 ang NCR at iba pang lugar sa bansa pagsapit ng Marso.
“Kung ako ay tatanungin, hindi naman nangangahulugan na ‘yung sasabihin ko ay ‘yan ang position ng collective IATF, sila naman ang NCR ay pasado na sa kanilang mga metrics. Hinog, in other words,” pahayag pa ni Duque.
Iniulat pa ni Duque na nasa 83% na ng mga senior citizens sa NCR ang bakunado na laban sa virus.
Mahigit 100% na rin aniya ng target population sa rehiyon ang fully vaccinated na laban sa COVID-19.
“‘Yan ang kanilang estado which means that to me it’s genuinely ripe for deescalation,” dagdag pa ng kalihim.
Una nang nagkasundo at inirekomenda ng Metro Manila Council sa IATF na maibaba na ang NCR sa Alert Level 1 simula sa Marso 1.
Sinabi na rin naman ng OCTA Research Group nitong Huwebes na handa na ang capital region na mailagay sa pinakamababang alerto.
Ang NCR at ilan pang lugar sa bansa ay kasalukuyan pang nasa Alert Level 2 hanggang sa Pebrero 28. (Andi Garcia)
PROVINCIAL BUSES BIYAHE NA!
BALIK-PASADA na ang mga Public Utility Buses (PUB) sa mga inter regional ang ruta at mayroong tinatayang 80 kilometers na distansya o hindi tataas sa dalawang oras ang biyahe, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Pahayag ito ng LTFRB kapag ibinaba na sa Alert Level 1 ang Metro Manila sa Marso 1 basta’t mayroong mga kaukulang dokumento.
Kabilang dito ang valid at umiiral na Certificate of Public Convenience (CPC) kabilang ang mga mayroong expired na CPC subalit may inihaing application for extension of validity bago ang expiration nito bukod pa sa provisional authority at special permits.
Sinabi pa ng LTFRB, ang mga turang inter regional sa Metro Manila kasama ang mga ruta ng provincial commuter na nagmumula sa Region 4A o Calabarzon na dating may Cubao Endpoint na inilipat na sa PITX ay papayagan nang bumalik sa orihinal nitong terminal sa Araneta bus terminal.
Samantala, ang mga ruta namang nagmumula sa malayong bahagi ng South Luzon tulad ng Quezon, Region 4B o Mimaropa at Bicol ay kailangang may endpoint sa PITX kahit na ito ay may pre-COVID franchise na may endpoint sa Cubao.
Pinaalalahanan ng LTFRB ang PUB operators na mag-secure ng QR code sa kada otorisadong unit bago ang operasyon at dapat na ipaskil ito sa harap ng windshield.