Advertisers
UMAASA si Partido Reporma standard-bearer Ping Lacson na makakahanap ng potensyal na katuwang sa negosyo ang mga may-ari ng micro, small at medium enterprises (MSME) sa ating bansa kasunod ng pag-amyenda sa Batas Republika 11647 o Foreign Investments Act (FIA).
Dahil sa mga nakapaloob na pananggalang sa batas para sa mga dayuhang investor, sinabi ni Lacson na maaari itong pakinabangan ng mga may-ari ng negosyo na naghahanap ng makakasosyo at handang maglaan ng puhunan para mapalawig ang kanilang mga alok na produkto o serbisyo.
Gayunman, binigyang-diin ng presidential candidate na may mga kondisyon na kailangang igalang ang sinumang dayuhan na gustong mamuhunan sa ating bansa dahil ang interes pa rin ng mga Pilipinong negosyante at sektor ng MSME ang dapat na protektahan ng pamahalaan.
“In-open up natin sa foreigners ‘yung mag-invest dito pero may safeguards ‘yon. Basta less than $200,000 ang puhunan, protektado, hindi pwedeng pasukan ng foreign investors. ‘Yon ‘yung nasa micro and small,” sabi ni Lacson hinggil sa pinirmahang batas ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Layunin ng batas na nilagdaan ni Duterte noong Miyerkules na maaaring tumanggap ang pamahalaan ng mga dayuhang mamumuhunan na handang maglagak ng kapital at magbahagi ng teknolohiya sa mga Pilipinong negosyante na aktibo sa lokal na merkado.
Ikinatuwa ito ng Department of Trade and Industry (DTI) dahil niluluwagan nito ang mga nakagawiang mahigpit na mga patakaran para sa mga dayuhang nais mag-negosyo sa Pilipinas. Ayon sa DTI, makakatulong ang mga amyenda sa nasabing batas para manumbalik ang sigla ng ating ekonomiya sa kabila ng pandemya.
Sa ilalim ng FIA, pinapayagan ang mga dayuhan na mamuhunan sa mga lokal na negosyo maliban na lamang doon sa ilang mga industriyang mahigpit pa ring binabantayan ng pamahalaan alinsunod sa Saligang Batas.
Inaasahan na kahit paano ay mas magiging ‘investment-friendly’ ang Pilipinas para sa mga dayuhang negosyante dahil sa pag-amyenda sa FIA na magiging daan upang mas maraming negosyo ang magbukas na lilikha ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino.
Batid ni Lacson na isa ang sektor ng MSME sa mga pinakamatinding tinamaan dahil sa naging epekto ng pandemya sa ating ekonomiya. Kaya inaasahan niya na makakatulong ang paghikayat sa mga dayuhang mamumuhunan sa kanilang pag-ahon maliban sa tuluyang pagbubukas ng ekonomiya.
“‘Yung MSMEs, 99.5 percent ‘yan ng buong enterprises sa Pilipinas… Ang labor force niyan nasa mga 63 percent. Imagine kung tinamaan ‘yung MSMEs at 63 percent ‘yung labor force? Grabe ang impact niyan… So, dapat i-encourage ‘yung MSMEs na (makabangon),” sabi ni Lacson.
Naisip ni Lacson ang posibilidad na maaaring mapakinabangan ng mga nasa sektor ng MSME ang pag-amyenda sa FIA nang bumisita siya kamakailan sa ilang maliliit na negosyo sa Cavite tulad ng Café Amadeo Development Cooperative at sa kangkong chips owner na si Josh Mojica.
Positibo ang pananaw ni Lacson na mahihikayat ng batas na ito ang mas marami pang Pilipino para magbukas ng kanilang negosyo, bukod sa paghimok sa mga bangko na payagan silang makautang upang mapalago pa nila ang kanilang mga hanapbuhay.