Advertisers
HINDI pa napapanahon upang isailalim ang buong bansa sa Alert Level 1 sa COVID-19 dahil may ilang lugar pa sa bansa ang hindi nakakaabot sa sukatang itinatakda ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Ang pahayag ay ginawa ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III nitong Martes sa isang panayam sa radyo, kasunod ng panukala ng National Economic Development Authority (NEDA) na ilagay na ang buong bansa sa Alert Level 1 at buksan na ang mga paaralan para makapagdaos ng face-to-face classes.
“Hindi pa ngayon. Masyado pang…ayaw nating mawaldas natin ‘yung ating mga napagtagumpayan na. Kailangan mag-iingat tayo. Pasensya na, kasi ako talaga ‘yung prinsipyo ko sa buhay ‘yung laging mas prudent at mas conservative,” ayon pa kay Duque.
Ipinaliwanag din ng kalihim na ang goal pa rin nila sa ngayon ay maisailalim na ang bansa sa Alert Level 1 ngunit kailangan aniyang maabot muna nito ang mga itinatakdang sukatan ng pamahalaan.
Una nang sinabi ni dating presidential spokesperson at IATF co-chair Karlo Nograles na ang mga criteria upang maisailalim sa Alert Level 1 ang isang lugar ay kinabibilangan ng pagkakaroon ng low to minimal risk case classification, total bed utilization rate na less than 50%, full vaccination na 70% ng target population, at full vaccination ng 80% ng kanilang Priority Group A2 (senior citizens) o target population.
Sa kasalukuyan, tanging ang National Capital Region (NCR) at 38 pang lugar sa bansa ang nasa ilalim ng Alert Level 1 mula Marso 1 hanggang 15. (Andi Garcia)