Advertisers
KAYLAKING ginhawa ang maibibigay sa 59.7 milyong Pilipino kung masisingil ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang utang na P203 billion estate tax ng pamilya Marcos.
Sa harap ng mga reporter kamakailan sa Sta. Rosa, Laguna, binigyan ng simpleng pagkuwenta ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso na kapag nasingil ang utang na estate tax, makapagpapakain nang araw-araw sa 59 milyong tao sa loob ng isang taon.
“Ibig sabihin,… maiibsan natin ‘yung hirap ng tao sa mahal ng bilihin kapag ito’y ibinigay na sa pamahalaan,” paliwanag ng kandidatong pangulo ng Aksyon Demokratiko.
Dagdag pa ni Yorme Isko, kung siya ang manalo sa eleksyon sa Mayo 2022, ipatutupad niya ang pinal na desisyon ng Korte Suprema na inuutusan ang pamilya Marcos na bayaran ang P203 bilyong estate tax sa gobyerno.
“Kukunin ko lang yun, tutupdin ko ang batas,” ‘yung tungkulin na ipamahagi nang mapakinabangan ng taong bayan,” sabi ni Isko.
Ibinase ni Yorme Isko ang pagkuwenta sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) na kada taob, kumukunsumo ng kulang o sobra sa dalawang 50 kilong sako ng bigas ang mga Pilipino.
Mabibili ng 119.4 milyong sako ng bigas ang P203 bilyon na makapagpapakain ng 59.7 milyong Pilipino o katumbas ng dalawang sako ng bigas sa halagang P3,400 sa presyong P34 per kilo.