Advertisers
BINALONAN, Pangasinan – Patay ang retired Jail Officer habang sugatan ang anak nito at kanyang manugang nang pagbabarilin ng dalawang kawatan nitong Huwebes ng madaling-araw sa bayang ito.
Kinilala ang namatay na si Retired Jail Management Officer Napoleon Eleccion Sr., habang ang kanyang anak na si Mary Eleccion Soriano at manugang na si Norberto Soriano, pawang mga residente sa nasabing lugar.
Kinilala naman ang mga nadakip na salarin na sina Joseph Pimentel at Cheryl Domingo, ng nasabing lugar.
Sa report ng Binalonan Police Station, 1:00 ng madaling araw ng Marso 30, 2022 naganap ang krimen sa labas ng bahay ng mga biktima.
Ayon kay PMaj Aurelio S. Manantan , hepe ng Binalonan PNP, nagising si Mary dahil sa naririnig niyang kaluskos sa labas ng bahay kaya sinilip niya para alamin.
Dito, napansin niya na may isang lalaki at babae na sumisilip sa kanilang kapitbahay kaya dali-dali itong sinumbong sa kanyang asawa na si Norberto.
Lumabas ng bahay si Norberto at nakita niya ang mga salarin hanggang sa nagsisigaw ito ng “magnanakaw, magnakakaw!”
Nabulabog ang mga salarin kaya binaril siya ng mga ito na siya namang narinig ng nakatatandang Eleccion dahilan para lumabas ito ng bahay.
Pagkakita sa kanya ng mga salarin pinagbabaril ito sa iba’t ibang parte ng katawan kaya lumabas naman si Mary para tulungan ang pero maging siya binaril din.
Isinugod naman sa ospital ang tatlo pero dineklara na rin dead-on-arrival ng umatending doktor si Eleccion.
Matapos ang pamamaril mabilis na tumakas ang mga salarin pero kalaunan nadakip rin ng mga awtoridad sa isinagawang follow-up operation.
Nabatid, na may record na sa pulisya ang mga salarin sa kaparehong kaso .
Sinabi ni Manantan na ang mga salarin ang responsable ng pagnanakaw sa iba’t ibang lugar sa Pangasinan.
Ang matandang Eleccion, ama ni PMaj Napoleon Eleccion Jr., hepe ng Asingan PNP.
Sinampahan na ng kasong Murder, frustrated murder, at attempted murder laban kina Pimentel at Domingo.