Advertisers
HINDI inalintana ng youth volunteers ni presidential candidate Manila Mayor Francisco “ISKO” Domagoso na lulan ng “Bus ni Isko” ang bagyo at sama ng panahon matapos nilang suungin ito patungo ng Dapitan, Zamboanga del Norte nitong nakaraang Martes ng buong tapang.
Ayon Kay Ces Bayan ng grupong ‘Ama ni ISKO’ at team leader ng Visayas-Mindano Bus ni Isko, naging challenging ang biyahe patawid ng dagat ng Dapitan City sa pamamagitan ng RoRo dahil sa sama ng panahon.
Sa kabila nito, hindi sumuko ang naturang youth volunteers ng 47- anyos na alkalde ng Maynila upang ituloy ang kanilang kampanya sa nasabing lugar.
“Laban lang po, walang susuko,” ayon pa kay Bayan.
“Susuka pero hindi susuko,” aniya. Ito ay matapos makaranas ng pagkahilo at pagsusuka ang ilang kapwa kabataan habang sakay ng RoRo ang kanilang grupo patungong Dapitan City.
Nauna rito, nanggaling ng Dumaguete City ang mga kabataan kungsaan namahagi ng t-shirts, stickers, apron, at iba pang campaign materials upang kumbinsihin pa ang ilang kabataan na mag-SWITCH to ISKO na.
Sa kabila ng malakas na buhos ng ulan na naging dahilan ng pagkaantala ng biyahe ng naturang grupo, sinuong parin nila ito upang makarating ng Dapitan sa pamamagitan ng RoRo at maituloy ang pangangampanya.
Inilunsad noong Abril 4 ang “Bus ni ISKO” campaign caravan na naglalayong ikampanya ang kandidatura ni Mayor ISKO dahil naniniwala sila sa mga nagawa nito sa Maynila ay magagawa rin sa buong bansa.
Si Mayor Isko ay nakilala bilang dating basurero, pedicab driver na naging artista bago pumasok sa politika.
Lulan ng BUS ni ISKO ang youth volunteers mula sa grupong Ama ni ISKO, ISKO Tayo sa Kabataan, PRIMO ISKO, at Alliance for ISKO movement AIM, ay mainit na tinanggap ng mga kabataan, kapwa nila youth volunteers, mga kandidato at local na opisyal tuwing sila ay mag-stop over.
Ang mga ito ay nagnanais na makumbinsi ang mga kabataang kapwa nila sa lahat ng sulok ng naturang lugar sa pamamagitan ng BUS ni ISKO campaign caravan na iboto si Domagoso.
Sila rin ay nakatakdang magtungo sa Dipolog City, Zamboanga City at Pagadian City.