Advertisers
ILANG araw bago ang May 9 elections, isang grupo ng mga batikang propesor ang kamakailan ay nagbanggit na sa kanilang survey, mas marami na ang pumipili kay Vice President Leni Robredo para maging susunod na Pangulo ng bansa.
Si Robredo ay nakakuha ng 32 percent at ang anak ng diktador na si Ferdinand Marcos, Jr. ay may 55 percent, ayon kay Dante Velasco, propesor ng komunikasyon sa University of the Philippines (UP), sa kanyang panayam sa SRO nina Alvin Elchico at Doris Bigornia nuong Martes, May 3.
Ang survey ay ginawa nuong April 22 hanggang April 30 ng Truth Watch Philippines, Inc., na pinamumunuan ni Velasco. Kasama ng Truth Watch ang Mobile Integrated Survey Research (Mobilis Research) sa paggawa ng survey.
Nagulat ang marami sa nilabas ng Pulse Asia survey na nasa 23 percent lang si Robredo samantalang 56 percent pa rin si Marcos. Ginawa ito mula April 14- 21.
Pero naniniwala si Velasco na hindi naman depinitibo at nagpapakita ng realidad ang Pulse Asia survey.
Sa katunayan, para kay Velasco, patas na ang laban nina Robredo at Marcos
Sabi ni Velasco, sa kabuuan, 2,400 na katao ang natanong sa Truth Watch/ Mobilis survey. Pinaliwanag pa niya na sa halip na nagbahay-bahay ang grupo nila, ginawa nila ang survey sa karaniwang pinupuntahan ng mga tao, tulad ng istasyon ng LRT.
Aniya, nagpunta ang survey team sa istasyon sa may Antipolo kung saan tinanong nila ang 300 na mananakay.
“Si Leni, 44 [percent], si BBM, 46 [percent] out of 300 respondents,” sabi ni Velasco. Paliwanag niya na ang ibig sabihin nito ay “statistical tie” or makatumbas na lang sina Robredo at Marcos.
Para kay Velasco, lumang istilo na ng pag-survey ang pagkatok sa mga bahay para magtanong ng kanilang opinyon sa pulitika, tulad ng kung sino ang pipiliin nila na susunod na Pangulo ng bansa.
Maaaring magbahay-bahay kung ang tanong ay ano ang gustong sabon o gamit sa bahay, aniya.
Sa parehong panayam sa SRO, sinabi ni political analyst Dindo Manhit na ang laban ngayon sa pagka-Pangulo ay sa pagitan na lang nina Robredo at Marcos dahil masyadong malayo na ang ibang mga kandidato sa survey.
“’Yun na lang ang ating dapat pagtuunan ng pansin,” ani Manhit.
Patuloy pa rin ang laban ni Robredo, sabi ng kanyang tagapagsalita na si Barry Gutierrez.
Sa panayam kay Karen Davila nuong Miyerkules, May 4, sinabi ni Gutierrez na hindi naiisip ninuman sa kampo ni Robredo na siya ay matatalo.
Sa katunayan, ayon kay Gutierrez, naghahanda ang lahat para sa isang malaking miting de avance ni Robredo na gaganapin sa Ayala Avenue sa Makati City sa May 7, kasunod ng miting de avance niya sa Naga City sa May 6.
Inaasahan na ang rally sa Makati ang magiging pinakamalaki sa lahat ng naging people’s rally para kay Robredo, sabi ni Gutierrez.
Dagdag niya, sa huling mga araw ng kampanya, lalo pa nagsisipag si Robredo sa pag-iikot sa mga probinsya.
Nanggaling si Robredo sa Kalinga, Abra, at Baguio nuong Lunes, nagpunta sa Antique, Aklan, Iloilo, at Negros Occidental nuong Martes, nasa Lanao del Norte at sa Dipolog City sa Zamboanga del Norte nuong Miyerkules, nagtungo sa Misamis Occidental, Cagayan de Oro City, at Agusan del Sur ng Huwebes, bago tumulak ng Bicol – sa Sorsogon, Albay, at Naga – sa Biyernes.
Sabi ni Gutierrez, hihimukin pa rin ni Robredo ang lahat ng kanyang volunteers at supporters na patuloy na makipag-usap, mag house-to-house campaign, at mangumbinsi na bumoto ng tama para sa magandang kinabukasan ng bayan.