Advertisers
ISANG lalaki ang aksidente nitong nalunok ang kaniyang pustiso habang natutulog sa Pangasinan.
Sa ulat, inoobserbahan sa isang pagamutan sa Dagupan City ang 39-anyos na si Benjie Villamor, residente sa bayan ng San Jacinto.
Kuwento ni Villamor, lasing siya nang mangyari ang insidente at hindi na niya naalis ang kaniyang pustiso nang makatulog.
Hindi na aniya masyadong masakit ang kaniyang lalamunan kapag lumunok dahil bumaba na ang puwesto ng pustiso sa loob ng kaniyang katawan.
Nakatakdang operahan si Villamor para alisin ang pustiso. Pero problema niya ang gagastusin sa operasyon dahil nag-e-extra lamang siya bilang construction worker.
Ayon kay Dr. Rheuel Bobis, spokesperson ng CHD-Ilocos, delikado kapag nalunok ang pustiso at mapunta sa bituka.
“Kapag nakalunok kasi ng pustiso mayroon dalawang puwede (itong) puntahan (sa katawan). Una, puwedeng dumiretso sa tiyan. So kapag dumiretso sa tiyan medyo delikado kasi alam naman na ang pustiso may matutulis na parte. So maaaring masugat o maaari niyang mabutas ang digestive tract,” paliwanag ni Bobis.
Kaya payo ni Bobis sa mga may pustiso, alisin ang pustiso kapag matutulog dahil maaari itong matanggal at aksidenteng malunok.