Advertisers
NAG-ALOK ang mga pamilya ng nawawalang online cockfighting o “e-sabong” enthusiasts ng P250,000 reward sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na maaaring humantong sa pagbawi ng kanilang mga mahal sa buhay.
Sinabi ng mga kamag-anak nina Ferdinand Dizon, Manny Magbanua, Mark Paul Fernandine at Melbert John Santos na itinaas nila ang monetary reward sa pag-asang makakuha ng lead sa kinaroroonan ng kanilang mga kaanak, na nawala halos limang buwan na ang nakararaan.
Kabilang ang apat na biktima sa mga kasong iniimbestigahan ng Security Task Group- Sabungero ng Philippine National Police (PNP) na kinasasangkutan din ng pagkawala ng iba pang sabungero sa isang cockpit arena sa Sta. Cruz, Laguna noong Enero 14.
“Ako na po ang nagmamakaawa sa inyo, kung ano po ang naging kasalanan niya patawad po. Ako na po ang humihingi ng sorry sa inyo. Pakibalik nalang po ang anak ko, pati na po mga kasamahan niyang nawawala,” pagmamakaawa ng ina ni Mark Paul na si Mylene Fernandine.
Hinihimok naman ng iba pang kaanak ang financier ng mga sabungero na si Julius Sabillo na humarap sa mga awtoridad at tumulong sa imbestiga-syon.
“Sana siya ay magpakita para malinawan. Kasi unang-una, ako yung pwedeng maghabol talaga sa kanya kasi inarkila niya ang van ko. Siya ang dapat lumitaw talaga,” ani Albert Santos, ama ni Melbert John.
Nais din ng mga pamilya ng mga sabungero ang impormasyon sa pagkakakilanlan ng isang lalaking nag-withdraw ng pera gamit ang ATM card ni Santos.