Advertisers

Advertisers

DOJ TUKOY NA LIBINGAN NG SABUNGEROS

0 54

Advertisers

INIHAYAG ng Department of Justice (DOJ) na mayroon na silang ‘lead’ kung saang lokasyon sa Taal Lake dapat isagawa ang pagsisid upang mahanap ang bangkay ng mga nawawalang sabungero.

Kinumpirma mismo ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, meron na silang pinanghahawakan na mga impormasyon hinggil sa planong pagsasagawa ng ‘diving operation’.

Kaya’t kanyang ipinagmalaki na ang hawak nilang lead ngayon ang siyang magagamit upang matukoy ang lokasyon at kung papaanong operasyon ang dapat maisakatuparan.



Ngunit aminado naman ang naturang kalihim na hindi ito biro sapagkat aniya’y nasa 200 square kilometers ang lawak ng Taal lake kung saan hinihinalang inilibing ang mga biktimang sabungero.

Matatandaan na isiniwalat ni alyas ‘Totoy’ o Julie ‘Dondon’ Patidongan ang alegasyong nailibing na umano ang mga ito sa bahagi ng Taal lake.



Bunsod nito’y ang DOJ ay inihayag ang kanilang determinasyon para lamang matukoy ang katotohanan hinggil sa pagkawala at paghahanap sa bangkay ng mga sabungero kung ito ay totoo man.

Samantala ibinahagi naman ni Justice Secretary Remulla na ang planong pagsasagawa ng diving operation ay hindi pa muna maisasakatuparan.



Ayon kay Remulla, ito’y dahil sa lagay ng panahon kaya’t naantala ang operasyon na pagsisid sana na siyang kanilang pinaplano upang mahanap ang bangkay ng mga nawawalang sabungero.

Ngunit sa kabila naman nito, kanyang tiniyak na ginagawa ng kagawaran ang lahat maresolba lamang ang kaso ng mga ‘missing sabungeros’.

Kaugnay pa rito, minsan pang ulit na inihayag ni Justice Secretary Remulla ang pakikipag-ugnayan sa bansang Japan hinggil sa paghingi ng tulong.

Ayon kay Remulla, malaki ang maitutulong dito ng naturang bansa dahil sa ibang klaseng ‘diving operation’ ang kinakailangang isagawa.