Advertisers
INIHAYAG ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na hindi siya haharap sa hirit ng International Criminal Court (ICC) na ituloy ang imbestigasyon sa kasong crimes against humanity na isinampa sa kanya ng mga biktima ng anti-drug war campaign.
Ayon sa dating Punong Ehekutibo, walang hurisdiksyon sa Pilipinas ang ICC.
“I am a Filipino. If I will be prosecuted, it will be a prosecutor who is a Filipino. If I am to be judged, it will be a Filipino judge. And if I go to prison, I should go to Muntinlupa. Nobody but nobody else can… sa akin. It has to be within our jurisdiction,” pahayag nito.
Sinabi pa ni Duterte, “Wala na. matanda na ako. No qualms about going to prison. I am 77… 80. Ano makuha nila sa akin? I can read to death there inside. So many books to read during the six year that I was attending to the affairs of the nation. Marami ako hindi nagawa. Gagawin ko na. Wala akong problema sa ICC personally.”
Nanindigan pa ang dating Pangulo na hindi kasi nalathala sa Official Gazette ang pagkakamali noon ng Pilipinas sa ICC kung kaya hindi legal ang pagiging miyembro nito.
Sa ngayon, ayaw na munang magkomento ni dating Pangulong Duterte sa pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na wala nang intensyon ang Pilipinas na sumaling muli sa ICC.
Nobyembre 2021 nang hiniling ng Pilipinas sa ICC na itigil na ang imbestigasyon.
Katwiran kasi ni Duterte, gumagawa ang sistema ng hudikatura sa bansa.
Inimbestigahan din aniya ng mga korte ang mga kaso ng pagpatay na may kaugnayan sa operasyon ng ilegal na droga.
Pinagbigyan naman ito ng ICC noon pero noong Hunyo 24, 2022 o anim na araw bago matapos ang termino at bago bumaba sa puwesto si dating Pangulong Duterte, humirit si ICC Prosecutor Karim Khan na ituloy ang imbestigasyon.
Dahil dito, agad na hiniling ng ICC pre-trial sa pamahalaan ng Pilipinas na magsumite ng karagdagang obserbasyon hanggang sa Setyembre 8 para sa plano ng pagbubukas muli ng imbestigasyon.