Mayor Honey, personal na tinanggap kay US Sec. of State Blinken ang donasyon kontra COVID-19
Advertisers
PERSONAL na nakipagkita si Manila Mayor Honey Lacuna kay US Secretary of State Antony Blinken at personal na tinanggap ang ilang donasyon para sa patuloy na pakikipaglaban ng lungsod kontra COVID-19.
Si Lacuna ay sinamahan ni Vice Mayor Yul Servo habang ang iba pa na naroroon ay sina Department of Health officer-in-charge Rosario Vergeire, US Ambassador to the Philippines Mary Kay Loss Carlson at ang mga representatives mula USAID.
Ang turnover ng donaayon ay ginawa nitong Sabado ng hapon sa newly-rehabilitated Manila Zoo, na nagsisilbi din bilang vaccination hub para sa mga bata na kabilang sa eligible population, upang hikayatin ang mga magulang nito na pabakunahan ang kanilang mga anak.
Sa nasabing pagtitipon, si Lacuna na isang doktor, ay nagbakuna din ng ilang menor-de-edad na naroon para magpabakuna habang nakamasid si Blinken.
Sina Lacuna at Blinken ay namataan ding nakikipag-fistbump sa anim na taong gulang na batang lalaki na mismong ang alkalde ang nagbakuna. Pinakain din ni Blinken ng piraso ng prutas ang elepanteng si ‘Mali’.
Pinasalamatan ng first lady mayor ng Maynila si Blinken, Carlson at ang USAID matapos na pormal na tanggapin ang 5,000 test kits, 5,000 personal protective equipments (PPEs) at wash kits upang magamit ng Manila Health Department sa pamumuno ni Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan.
Ayon kay Lacuna, ang lungsod ng Maynila ay labis na ikinararangal na mapili para tumanggap ng donasyon at tiniyak na ang mga ito ay gagamitin sa maayos na paraan.
Pinuri pa ng alkaldee ang USAID, dahil palagian na itong nagbibigay ng donasyon sa lungsod dahil sa pagiging aktibong partner ng pamahalaang lokal ng Maynila sa laban kontra COVID.
Sinabi ni Lacuna na ang USAID ay dati nang nag-donate ng 19,000 PPEs at 10,000 rapid antigen kits sa city government.
Nabatid na si Blinken ay nasa ten-day trip sa Cambodia, Philippines, South Africa, Congo at Rwanda. (ANDI GARCIA)