Advertisers
UNA, binabati ko ang mga bumubuo ng Police Files TONITE sa kanilang ika-19 anibersaryo.
Opo! birthday ngayon ng national daily tabloid na ito na talaga namang dumaan sa mga matinding pagsubok sa larangan ng pahayagan.
Hindi biro ang maglabas ng diaryo araw-araw lalo’t patuloy sa pagtaas ang mga materyales para makabuo ng pahayagan tulad ng tinta at papel, dagdag pa ang manpower, maintenance at transportasyon. Kaya nga napakarami nang nagsarang publication dahil sa laki ng expenses sa paglimbag ng pahayagan.
Pero dahil nandiyan kayo, our dear readers, heto’t umabot na tayo ng 19 years.
Many many thanks din sa samahan ng newspaper dealers na ka-partner namin sa larangang ito. Kung wala sila, wala rin ang Police Files TONITE sa kalye. Pareng Danny Jose in heaven, pagbilhan mo nalang si San Pedro ng diario natin dyan. God bless po sa ating lahat!!
***
NAGLALABASAN na ngayon ang matinding katiwalian na nangyari sa nakaraang administration (Duterte), base narin sa pagsusuri ng Commission on Audit.
Sa taunang audit report ng CoA sa Department of Education, nabuking na outdated, mabagal ang processor, at overpriced pa ang pagkakabili sa 39,583 units ng laptops para sa mga guro sa mga pampublikong paaralan.
Pero ito ay hindi kasalanan ng DepEd kundi ng Procurement Services ng Deparment of Budget and Management (DBM) na siyang nangasiwa sa pagbili sa naturang gadgets para sa mga guro. P2.4 billion ang pinag-uusapan dito, mga pare’t mare…
Ang bilang na dapat bilhin ay 68,500 para sa bawat laptop na ang approved amount ng DepEd ay P35,046.50.
Dahil overpriced ang pagkakabili (P58,000) ng PS-DBM, 39,583 units lang ang nabili. Kung kaya’t 28,000 mga guro ang hindi nabigyan ng laptops nang ipatupad ang online class dahil sa pademya ng Covid-19.
Kung tutuusin, dapat mas mura ang pagkakabili sa naturang laptops dahil bultohan. At ang laptop na nagkakahalaga ng P35, 000 plus ay napakaganda na niyan.
Oo! yung laptop ko na Acer na nabili ko ng P30K noon pang 2019 ay ito parin ang nagagamit ko hanggang ngayon. Okey na okey pa ito kahit buong araw kong ginagamit sa paggawa ng mga balita at sa layout ng mga pahina ng diario. Mismo!
Dapat imbestigahan uli ng Kongreso itong PS-DBM ng Duterte administration.
Itong departamentong ito rin ang kumana ng overpriced facemask at faceshield ng Department of Health (DoH) noong 2021 na nagkakahalaga ng P12 billion, gamit ang kompanyang Pharmally na noo’y ilang buwan pa lamang itinayo at may puhunan lamang na higit P600,000. Ang mga opisyal ng Duterte administration na sangkot dito ay sina Usec. Llyod Christopher Lao na kaagad nag-resign pagkatapos ng transaksyon, at Presidential Adviser Michael Yang na nabuking na isang Chinese national.
Ang isyung ito sa DepEd at DoH via PS-DBM ay ilan lamang sa mga nabunyag sa audit report ng COA sa nakaraang administrasyon.
Ang katiwaliang ito ay maaring mabaon na lamang sa hukay, hindi mapapanagot o maiimbestigahan manlang ang mga nasa likod ng kawalanghiyaang ito. Kasi nga sinabi ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. na wala siyang pakialam sa pangungulimbat ng mga nakaraang administrasyon. Dahil ang kanyang pokus o babantayan ay ang kanyang administrasyon. Tsk tsk tsk…
Ang suwerte talaga ng mga nangulimbat sa nakaraang administrasyon, ano po?, libre sila sa kaso!
Onli in da Pilipins!!!