Quarantine facilities sa mga paaralan, aalisin na – Mayor Honey
Advertisers
AALISIN na ng pamahalaang lokal ng Maynila ang mga quarantine facilities sa loob ng mga paaralan bilang preparasyon sa simula ng face-to-face classes on August 22.
Ayon kay Mayor Honey Lacuna hanggang August 12 ay may apat pang quarantine facilities na nanatiling bukas at tumatanggap ng pasyente at dalawa dito ay nasa loob ng paaralan.
Sinabi pa ni Lacuna na ang mga quarantine facilities ng lungsod na may kabuuang 150 bed capacity ay may katagalan na ring walang pasyente.
Ito ay dahil na rin sa ang mga nahahawahan ng COVID-19 sa ngayon ay mas pinipili na lamang na sa loob ng bahay mag- quarantine.
“Dahil matagal nang zero percent ang pasyente, unti-unti na nating inaalis ang quarantine facilities lalo na sa mga paaralan para magamit ng ating mga mag-aaral sa Maynila,” Lacuna said.
Matatandaan na nang sinuspindi ang face-to-face classes noong kasagsagan ng pandemya, ay pansamantalang ginawang quarantine facilities ng pamahalaang lungsod ang ilang paaralan sa Maynila.
Samantala ay patuloy na hinihikayat ni Lacuna ang mga Manileño na magpabakuna kung saan ginagawa ito mula Lunes hanggang Linggo.
Sinabi pa ng alkalde na isa ring doktor na lahat ng brands ng bakuna ay available sa mga vaccination sites at patuloy din na tumatanggap ng walk-in individuals kahit pa hindi residente ng Maynila.
Habang sinusulat ang balitang ito, ang kabuuang bilang ng mga indibidwal na nabakunahan ng kanilang booster sa Maynila ay umabot na sa 1,730,948.
Habang ang mga nabigyan na ng kanilang primary shots o 1st and 2nd vaccination ay umabot na sa 3,502,263.
Ang bed occupancy naman ng anim na ospital na pinatatakbo ng city government ayon kay Lacuna ay nasa 12 percent lamang kung saan sa kabuuang 296 bed capacity nito ay 36 lamang ang okupado.
Sa Manila COVID-19 Field Hospital sa pamumuno no Dr. Arlene Dominguez, 117 nang 344 bed capacity nito ang okupado o 34 percent ang occupancy rate. (ANDI GARCIA)