Advertisers
Patay ang limang katao kabilang ang 6 buwang gulang na sanggol at dalawa ang nasugatan sa salpukan ng tatlong sasakyan sa kahabaan ng National Highway Brgy. Balug, Isabela nitong Sabado ng hapon.
Kinilala ang mga nasawi na sina Kwuldip Singh at Arnel Menor, kapwa driver ng single motorcycle at tricycle; 3 pasahero ng RUSI Tricycle na sina Ernesto Caronan, 71, residente ng Brgy. Bliss Village, City of Ilagan, Isabela; Prince Adrian Menor 6 buwang-gulang; at Diana Rose Menor, 36, at residente ng Mallig, Isabela.
Sugatan ang isa pang pasahero na si Elma Caronan, 64, residente ng Brgy. Bliss Village City of Ilagan, Isabela.
Kabilang sa mga sangkot na sasakyan ang isang ISUZU trailer truck na minamaneho ni Oliver Zamora, at residente ng Purok Daisy Brgy. Caloocan, Alicia, Isabela; Honda XRM 125 Single MC na minamaneho ni Kuldip Singh, 38, at residente ng Brgy. District III Tumauini, Isabela; at RUSI tricycle na minamaneho ni Arnel Menor, 37, at residente ng Mallig, Isabela.
Ibinunyag ng imbestigador ng Tumauini PNP na bago ang insidente, binabagtas ng ISUZU truck ang nasabing kalsada patungong hilagang direksyon habang ang Honda XRM at ang nasabing tricycle, binabaybay ang timog na direksyon.
Pagdating sa National Highway Brgy. Balug, napasok ng nasabing truck ang kabilang lane at aksidenteng nabangga ang paparating na single motorcycle at tricycle.
Dahil dito, dead on the spot ang driver ng nasabing dalawang sasakyan kasama ang tatlong pasahero habang ang pasaherong si Elma Caronan, nagtamo ng serious physical injury na agad na dinala ng rumespondeng Rescue 811 sa Tumauini Community Hospital.
Nagtamo ng minor injury ang driver ng trak at dinala sa Tumauini Community Hospital.
Sa report, positibo si Zamora sa alcohol breath test na pinatunayan ng attending physician.
Nasa kustodiya na ngayon ni Tumauini PS ang nasabing salarin para sa karagdagang imbestigasyon.