Advertisers
Inutusan ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang mga opisyal ng Barangay na hikayatin ang kanilang mga nasasakupan na magpa-booster shot bilang bahagi ng national government’s ‘Pinas Lakas’ campaign.
Ayon sa Alkalde, layunin ng lungsod na protektahan ang mga mamamayan nito, lalo na ang mga vulnerable sector at immunocompromised na indibidwal laban sa banta ng COVID-19.
“Inaatasan natin ang ating mga opisyales ng bawat Barangay sa Caloocan na pangunahan ang paghihikayat sa inyong nasasakupan na magpa-booster at ipaalam din sa kanila ang benepisyo nito sa kanilang kalusugan,” wika ni Along.
“Alinsunod sa Pinas Lakas campaign, palalawakin natin ang bilang ng mga taga-Caloocan na bakunado, lalo na ang ating mga senior citizens, PWDs at mga kababayan na mayroong karamdaman upang maprotektahan sila sa banta ng COVID-19,” dagdag pa ni Mayor Along.
Dapat sumunod ang City Health Department (CHD) sa isang setting-based approach alinsunod sa nasabing kampanya, na may mga pagbabakuna sa iba’t ibang opisina, paaralan, pampublikong plaza, simbahan, palengke, mall at terminal.
Sinabi ni CHD Officer-in-charge Dra. Evelyn Cuevas na sa pamamagitan ng pagdadala ng mga bakuna sa malapit sa mga komunidad, magiging mas mahusay ang proseso, na humihikayat ng mas maraming tao na ma-inoculate.
“Sa paglalapit nating ng serbisyong medikal tulad ng pagbabakuna sa mga komunidad, inaasahan natin na mas mapapabilis ang proseso at mas marami ang magpapabakuna dahil tayo na mismo ang bababa sa mga Barangay at mga establisyimento,” wika ni Cuevas.
Alinsunod dito, nakiisa rin ang Alkalde kasama ang mga opisyal ng Caloocan Barangay sa Department of the Interior and Local Government (DILG) online consultation sa booster vaccination para talakayin ang mga best practices at ang status ng kani-kanilang komunidad hinggil sa vaccine awareness at feasible areas na mako-convert sa mga lugar na mas malawak na vaccination sites.