Advertisers
SUPORTADO ni Senator Christopher “Bong” Go ang institusyonalisasyon ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa pagsasabing naging epektibo ito sa pagtugon sa lokal na insurhensiya at sa pagpapanumbalik ng kapayapaan sa mga lugar na puno ng kaguluhan sa bansa.
“Suportado ko po ito, kung kailangang maisabatas, ma-institutionalize, susuportahan ko po ito. Pero nasa present administration na po ‘yan kung sasang-ayon po sila. Ako naman po, naging effective naman po ito,” sabi ni Go sa ambush interview matapos niyang pangunahan ang pamamahagi ng ayuda sa Malabon City.
Sinabi ni Go na sa halip tangkaing sugpuin ang insurhensya, napakahalagang tugunan muna ang ugat o pinagbabatayan nito sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga Pilipino ng maayos na kabuhayan at pang-akit sa mga rebelde na muling bumalik sa lipunan, na parehong matagumpay na nagawa ng NTF-ELCAC.
“Not limited only sa pagsugpo sa rebelyon. Ang gawin natin, palawakin po natin, aside from matigil ang rebelyon, bigyan natin ng pangkabuhayan kung sino po ang gustong bumalik sa gobyerno,” ani Go.
“Balik-loob sa gobyerno po, palakasin pa po natin para maengganyo po sila na ‘wag na manatili sa bundok at nandidito po ang buhay sa bayan,” anang senador.
Patuloy na pinupuri ni Go ang task force sa matagumpay nitong gawain at layunin sa pagsasabing, “Naging matagumpay po ang (NTF-)ELCAC. Remember more than 40,000 barangay sa buong Pilipinas, hindi po kayang bigyan ng pondo ‘yan ng national government. Marami pong nakaramdam na sila ay napabayaan.”
“Ngayon, nu’ng dumating ang (NTF-)ELCAC, nagkaroon sila ng pag-asa. Isipin n’yo, mula P4 milyon hanggang P20 milyon kada barangay ‘yung proyekto. ‘Yung ibang barangay diyan halos walang isang milyon ang kita,” ayon kay Go.
Noong 2018, nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Executive Order No. 70 na nag-institutionalize sa whole-of-nation approach para makamit ang inclusive at sustainable na kapayapaan. Ang utos ay nagpapatibay rin sa isang National Peace Framework upang matiyak ang pagkakatugma at sabay-sabay na paghahatid ng mga serbisyo sa conflict-affected at vulnerable areas na itinatadhana sa paglikha ng NTF-ELCAC.
Ayon sa EO 70, tinutugunan ng whole-of-nation approach ang ugat ng mga insurhensiya, panloob na kaguluhan at tensyon, at iba pang armadong tunggalian at banta sa pamamagitan ng pagbibigay-prayoridad sa paghahatid ng mga pangunahing serbisyo at panlipunang pakete ng pagpapaunlad ng gobyerno.
Kasama rin dito ang pagpapadali at pagtiyak ng aktibong partisipasyon ng lahat ng sektor ng lipunan sa pagkamit ng agenda ng kapayapaan ng bansa.
Ang mga ahensya ng gobyerno na kasangkot sa layunin ay nagbibigay ng tulong sa pamamagitan ng iba’t ibang programa na nakatuon upang matulungan ang NTF-ELCAC na makamit ang mga target nito.
Isa na rito ang Department of Social Welfare and Development na nagbibigay ng tulong sa pamamagitan ng cash grants sa mga dating rebelde.
Ang Livelihood Settlement Grant (LSG) ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng ahensya, bilang suporta sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP) ng gobyerno, ay naglalayong magbigay ng tulong pinansyal sa mga indibidwal upang sila ay maging produktibong miyembro ng komunidad.
“Talagang naeengganyo sila. So, nagdadalawang-isip po, na i-incentivize sila, maeengganyo ang mga barangay na tumulong na lang po sa gobyerno. Usually po, ito ang mga barangay na pinupuntahan, nai-infiltrate ng left kasi sila po ‘yung medyo naiiwan,” paliwanag ni Go.
Samantala, tumangging magkomento si Go sa naging desisyon ng Manila Regional Trial Court na ibasura ang petisyon na inihain ng Department of Justice noong 2018 para ideklara ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army bilang isang teroristang grupo.
Ngunit idinagdag niya na ang mga abogado ng gobyerno ay susuriin ang petisyon nang mas detalyado upang matukoy ang pinakamahusay na aksyon.
Para kay Go, maaaring ituring na terorista ang sinumang indibidwal o grupo na nananakot sa mamamayan.
“Kapag naghasik ka ng lagim, mako-consider ka nang terorista. Ibig sabihin, kung iba na ang ipinaglalaban mo ay maku-consider ka pong terorista.”