Advertisers
NADAMAY ang isang babaeng babae nang isama ito ng kanyang among babae sa pagsugod sa bahay ng umano’y karelasyon nitong pulis at nakipagbarilan sa mga pulis habang sakay ng pick-up truck sa Sampaloc, Maynila nitong Lunes ng madaling araw.
Kinilala ang nasawi sa alyas “Ivy”, kasambahay ng naarestong si Kristie Rose Castro, residente ng 30 Saint Anthony, San Carlos Heights, Baguio City.
Sa ulat, nangyari ang insidente 1:35 ng umaga sa kahabaan ng Mindanao Avenue sa Sampaloc.
Napag-alaman na dumating sa lugar sina Castro sakay ng pick up na Ford Ranger (ABP 1605) at bigla na lamang nagpaputok ng baril.
Sinasabing bahay ng isang pulis ang pinaputokan. Humingi ng back up ang naturang pulis na hindi pa pinapangalanan. Nakipaghiwalay umano ang lalaki kay Castro pero hindi matanggap ng huli.
Bumalik pa umano sina Castro at muling pinaulanan ng bala ang naturang bahay. Dito na nagkaroon ng engkwentro o palitan ng putok. Tinamaan ng bala at namatay si Ivy na noo’y nakasakay sa passenger seat ng pick-up.
Sa kabila nito, nagtangkang tumakas si Castro patungo sa direksyon ng Ramon Magsaysay Blvd. kungsaan siya nasukol ng pulisya.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Sampaloc Police si Castro, habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente na sinasabing isa itong insidente ng ‘Crime of passion’. (Jocelyn Domenden)