Advertisers
TUKOY na ng mga awtoridad ang “masterminds” sa pagpaslang sa hard-hitting commentator at newspaper columnist na si Percival Mabasa, mas kilala sa “Percy Lapid”, ayon sa journalist ding kapatid na si Roy Mabasa.
Nakipagkita si Roy kina Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla at National Bureau of Investigation Director Medardo de Lemos sa Department of Justice para sa ‘case conference’ nitong Miyerkules ng umaga, kungsaan tinukoy ang mga pa-ngalan ng mga kakasuhan.
“Meron po. To be very frank, meron po. At ito rin ay aming pinag-aaralan bilang miyembro ng mga pamilya,” sabi ni Roy sa mga reporter nang tanugin kung may lumitaw ng pangalan ng umano’y masterminds.
“Sa palagay ko nalalapit na tayo roon sapagkat sa aming pag-uusap kanina (Miyerkules ng umaga), meron nang tinutumbok, subalit I’m not at liberty to say to you kung ano ang mga pangalan at pagkakakilanlan. Hahayaan po natin ang DOJ na tapusin ang kanilang trabaho, kasama ang NBI at PNP at magkakaroon yata ng announcement in the next 1, 2, 3 days,” sabi ni Roy.
Ayon kay Roy, target ng mga awtoridad na mai-file ang charges sa Biyernes ngayong linggo, o kaya’y sa Lunes.
Samantala, sinabi ni Bureau of Corrections (BuCor) Officer in Charge Gregorio Catapang Jr. na 13 inmates ang tinukoy bilang persons of interest sa imbestigasyon sa Lapid murder.
“Thirteen kung hindi ako nagkakamali,” sabi niya sa press conference sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City.
Sabi ng retiradong Armed Forces of the Philippines (AFP) chief: “Alam ko apat nung una. Tapos sumunod, pito.”
Aniya pa, mayroon pang dalawang nadagdag: Ang isa mula sa Iwahig Prison and Penal Farm sa Palawan, at ang isa ay nasa pangangalaga ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP).