Advertisers
ISANG panukalang batas ang inihain sa Kamara de Representantes na layong bigyan ng hustisya at pangalagaan ang karapatan ng mga empleyado sa buong bansa.
Iniakda ni Bataan 1st District Rep. Geraldine Roman ang House Bill 532 o ang panukalang “Equal Employment Opportunity Act of 2018,” na layong itatag ang Equal Employment Opportunity Commission na siyang mangangasiwa sa pagresolba ng mga kasong paglabag sa batas ng mga employer o diskriminasyon.
Tinutukoy sa panukala ang pagbigo o pagtanggi makapasok sa trabaho o tanggalin ang sinumang indibiduwal o diskriminasyon bilang paggalang sa kanyang kabayaran, termino, kondisyon, o mga pribilehiyo sa trabaho dahil sa kanyang lahi, kulay, relihiyon, kapansanan, kasarian, sexual orientation, at pagkakakilanlan ng kasarian o pagpapahayag,.
Ayon kay Roman karaniwang hindi nagkakaroon ng patas na pagtrato ang mga empleyado sa kanilang pinapasukang kumpanya. Malaki aniya ang kakulangang batas kaya’t kadalasang nagkakaroon ng diskriminasyon.
Hindi aniya tumutugma ang trabahong inaplayan base sa nalalaman at kapasidad ng empleyado kaya’t nananatiling mababa ang sahod, walang promosyon at mga benepisyo.
“Pinagtitibay ng Estado na ang manggagawa bilang isang pangunahing puwersa ng ekonomiya. Proteksyon sa karapatan ng mga manggagawa at pagtaguyod sa kanilang kapakanan,” ayon kay Roman, chairperson ng House committee on gender equality.
Pantay na pagkakataon ang isinusulong ni Roman para sa lahat ng Filipino. Para sa kanya, ang pagkapantay-pantay sa pagtrato ng mga indibiduwal na walang hadlang, maling pananaw, kagustuhan, maliban ito’y may pagkakaiba at malinaw na makatwiran.
Matatag na naninindigan at bukas ang mambabatas sa pagsulong ng pagkakataon para sa lahat ng Filipino na walang kinikilingan sa kayamanan, katayuan o pagiging miyembro ng isang maimpluwensiyang grupo.